No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

‘Bring your own bag’ inilunsad sa Roxas, Palawan

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Inilunsad ng pamahalaang bayan ng Roxas ang ‘Bring your own bag’ program na may temang ‘maging parte ng solusyon, hindi parte ng polusyon’.

Ang programa ito ay inorganisa at pinangasiwaan ng Municipal Environment and Natural Resources Office sa pangunguna ni Engr. Marilo T. Manlavi bilang pagsuporta sa Municipal Ordinance No. 887, s.2023 na ipinasa ng sangguniang bayan na may titulong "An Ordinance Regulating the Utilization of Single-Use Plastics as Eating Utensils and Packaging Materials and Prohibiting the Utilization of Polystyrene Commonly Known as Styrofoam for Food and Beverages Containers in the Municipality of Roxas and Providing Penalties for Violations Thereof" at ganun din sa Republic Act No. 9003, na kilala rin bilang "Ecological Solid Waste Management Act".

Layunin ng programang ito na mabigyan ng kamalayan at hikayatin ang lahat ng mamamayan at bumibisita sa nasabing bayan na pagtibayin pa ang mga eco-friendly na kasanayan sa pamamagitan ng paggamit ng mga reusable bags bilang alternatibong lalagyan sa halip na mga single-use plastic bags.

Ayon kay MENRO Engr. Manlavi, ang kampanyang ito ay makatutulong na bawasan ang dami ng solidong basura na nalilikha at maitanim sa kamalayan ng bawat isa ang halaga ng pagmamalasakit sa kapaligiran. Sa pamamagitan din aniya ng pagpapatupad ng programa ay malaki ang maitutulong nito sa municipal ecological solid waste management program.

Tinalakay ng mga panauhing tagapagsalita ang mga masasamang epekto ng single-use plastics sa kapaligiran at ang kahalagahan ng paggamit ng mga magandang alternatibo.

“Sa pamamagitan ng pagdalo sa paglulunsad ng programa, hindi lamang kayo sumusuporta sa isang lokal na inisyatiba sa kapaligiran ngunit aktibong lalahok sa pagpapabuti ng ating komunidad. Sama-sama, makakagawa tayo ng makabuluhang epekto at lumikha ng mas luntian at mas malinis na Roxas,” mensahe ni Roxas Mayor Dennis M. Sabando. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch