PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Nakapagrehistro ng 778 botante ang Commission on Elections (COMELEC) sa unang araw ng voter’s registration na sabayang isinagawa kahapon sa lahat ng munisipyo sa Palawan.
Sa bilang na 778, pinakamarami dito ay mula sa Puerto Princesa na nakapagrehistro ng nasa 332 botante, samantalang ang bayan naman ng Agutaya ay walang nairehistro sa unang araw.
Narito ang bilang ng nakapagrehistrong mga botante sa ibang pang munisipyo ng Palawan: El Nido-61; Kalayaan-43; Brooke’s Point-36; Roxas-35; Rizal-29; Bataraza-28; Quezon-25; Aborlan-23; Sofronio Espanola-23; Coron-20; Narra-20; Taytay-20; San Vicente-17; Busuanga-12; Cuyo-9; Dumaran-9; Culion-8; Balabac-7; Araceli-6; Cagayancillo-6; Linapacan-6; at Magsaysay-3.
Ayon sa impormasyong ibinahagi ni Comelec information officer Jomel Ordas, kasama sa voter’s registration ang reactivation; paglilipat ng botante sa parehong munisipyo; paglilipat mula sa isang munisipyo patungong ibang munisipyo; pagtatama ng entries sa rehistrasyon, pagpapalit ng pangalan at iba pa.
Ang voter’s registration na ito ay bilang paghahanda sa darating na National and Local Elections sa 2025. (OCJ/PIA Palawan)