Ibinahagi ni DOLE Oriental Mindoro Provincial Director Roderick F. Tamacay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng lactation areas sa mga pampublikong establisyemento at tanggapan alinsunod sa Republic Act 7600. (Larawan mula DOLE Oriental Mindoro)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Binigyang pagkilala ng Department of Health (DOH) Center for Health Development ang Department of Labor and Employment (DOLE) Oriental Mindoro bilang “Best Mother-Baby Friendly Workplace” sa rehiyon.
Alinsunod sa Republic Act 7600 o mas kilala bilang “Rooming-in and Breastfeeding Act of 1992" na kumikilala sa mga health facilities at establisyemento na mayroong polisiya hinggil sa pakakaroon ng lactation areas para sa mga empleyado at kliyenteng nagpapasuso sa kanilang mga sanggol.
Dinaluhan ang aktibidad nina DOLE Mimaropa OIC-Assistant Regional Director Nicanor V. Bon. DOLE Oriental Mindoro Provincial Director Roderick F. Tamacay, Technical Support and Services Division Chief (TSSD) Marjun S. Moreno kasama si Calapan City Mayor Marilou F. Morillo at City Nutrition Action Officer Glenda Raquepo.
Sa mensahe ni Tamacay, binigyang pansin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng lactation areas, partikular sa mga pampublikong lugar katulad na lamang ng kanilang tanggapan. Ibinahagi rin ni Tamacay na ang pasilidad ay hindi lamang para sa mga kawani ng DOLE kundi pati na rin sa mga kliyente na nagtutungo sa kanilang tanggapan.
Ibinahagi rin nito ang pinaiiral na Family Welfare Program ng ahensiya na naglalayong bigyang importansya ang kapakanan at kaayusan ng mga kawani at pamilya ng DOLE.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ni OIC-ARD Nicanor V. Bon sa DOH sa pagkilala sa mga polisiya at mga hakbangin ng pinapatupad ng DOLE upang maisiguro na naisusulong ang karapatan ng mga nanay na nagpapasuso. (JJGS/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)