No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mahigit 715K Mindoreño rehistrado na sa PhilSys

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Ipinahayag ni Philippine Statistics Authority (PSA) Oriental Mindoro officer-in-charge at supervising statistical specialist Donna Marie D. Mobe na nasa 715,594 na indibidwal na sa Oriental Mindoro ang rehistrado sa Philippine Identification System (PhilSys).

“Mula Hunyo 21, 2021 hanggang Pebrero 10, 2024, nasa 715,594 na mga indibidwal na may edad limang taon pataas ang matagumpay na nairehistro sa lalawigan ng Oriental Mindoro,” ani Mobe.

Ayon kay Mobe, ang nasabing bilang ay 88 porsiyento ng 813,589 na kabuuang populasyon na limang taong gulang pataas.

Base sa huling datos ng PhilPost, nasa 353,291 na ang bilang ng mga rehistradong indibidwal ang nakatanggap na ng kanilang Philippine Identification (PhilID) na naitala noong Disyembre 31, 2023 o 49 na porsiyento ng kabuuang bilang na nairehistro sa isinagawang Step 2 registration.

Dagdag pa ni Mobe, mayroong 635,945 na mga rehistradong mamamayan ang nakatanggap na ng kanilang ePhilID. Ang ePhilID ay pro-active strategy ng PSA upang agad na mapakinabangan ng mga rehistradong indibidwal ang mga benepisyo ng pagiging rehistrado sa PhilSys.

Samantala, patuloy pa rin na nakikipag-ugnayan ang PSA sa Department of Education upang patuloy ang pagsasagawa ng PhilSys school mobile registration sa lahat ng antas, pribado man o pampublikong paaralan.

Malaking tulong din ang may ePhilID lalo na sa mga transaksiyon sa mga tanggapan ng PSA-CRS sapagkat maaaring humiling ang isang may hawak nito ng mga dokumento kahit wala ng appointment.

Sinimulan ng PSA ang pagsasagawa ng pagpapatala noong Setyembre 13, 2023 hanggang sa kasalukuyan at patuloy na hinihikayat ang bawat Pilipino na magparehistro sa PhilSys para sa mabilis na transaksiyon at maisakatuparan ang mga programa ng pamahalaan at para magkaroon ng pagkakakilanlan ang bawat isa. (DN/PIA Mimaropa - Oriental Mindoro)

Larawan sa pinakataas mula sa PSA Oriental Mindoro

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch