No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

'Special Register Anywhere' program, binuksan na sa Palawan

Ipinapaliwanag ni COMELEC Chairman Atty. George Erwin M. Garcia sa media briefing ang kahalagahan ng pagpaparehistro at ang Special Register Anywhere Program./Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA Palawan

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Isinagawa sa lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa ang Special Register Anywhere Program (SRAP) ng Commission on Elections (COMELEC) kahapon, Pebrero 12, 2024.

Isinagawa ito kasabay ng pag-obserba ng Pambansang Araw ng Botanteng Pilipino o National Voters Day na may temang 'Karapatang bumoto, Simulan sa Pagpaparehistro' sa SM City Puerto Princesa kung saan personal itong pinuntahan ni COMELEC Chairman Atty. George Erwin M. Garcia.

Ayon kay Garcia, layunin ng SRAP na mabigyan ng pagkakataon ang mga botante na makapagparehistro kung saan nila nais bomoto sa darating at sa susunod pang mga halalan na hindi na kailangan pang tumungo sa kani-kanilang munisipyo para isagawa ang pagpaparehistro.

Ayon naman kay Comelec-Palawan Provincial Election Supervisor Atty. Percival Mendoza, pag-aaralan din nila ang paglalagay ng satellite SRAP sa provincial office ng Comelec.

Ang SPAR ay magtatagal lamang hanggang Agosto 31, 2024.

Samantala, personal ding inobserbahan ni Chairman Garcia ang unang araw ng voter’s registration sa Pag-asa Island bayan ng Kalayaan kahapon.

"Minarapat po ng inyong Commission on Elections na puntahan namin ang Pag-asa island sapagkat may mga kababayan po tayo doon na nagpaparehistro at magpaparehistro.. Ang pinaka-importante rin dito ay nais naming i-emphasize sa buong bansa na kaya naming puntahan ang pinakasulok ng ating bansa upang maparehistro ang mga kababayan natin,” ang pahayag ni Chairman Garcia sa isinagawang media briefing.

Tulad ng pinakamalayong isla ng Pag-asa ay nais din ng Comelec na marating at maabot pa ang iba’t ibang malalayong isla sa Pilipinas, pati na ang mga bulubunduking lugar ng mga katutubo at iba pang Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) upang mairehistro ang mga botante dito, dagdag na pahayag ni Chairman Garcia.

Target naman ng Comelec na makapagpa-rehistro ng 3 milyong botante sa bansa simula Pebrero 12 hanggang sa pagtatapos ng voter’s registration sa Setyembre 30, 2024. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch