LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Pinangunahan ng pamahalaang panlungsod ng Calapan ang isinagawang Family Development Session sa 69 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Brgy. Tibag, Calapan City noong Pebrero 13.
Bahagi ang gawain ng pagtutuwang ng LGU Calapan sa pangunguna ni Calapan City Mayor Marilou F. Morillo at ng DSWD.
Sumentro ang sesyon sa paksa tungkol sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) na itinuturing na last stage kapag nahawa ang isang indibidwal sa sakit na HIV.
Ayon kay City Health Sanitation Department Nurse III Elizabeth L. Roxas, napakahalaga na malaman ng mga indibidwal ang panganib at epekto na dulot ng sakit na HIV at AIDS sa katawan ng isang tao.
Dagdag pa nito, maaaring humantong sa kamatayan ang epekto nito kung hindi maaagapan, dahil pinahihina nito ang resistensya o immune system ng isang tao kung kaya’t maaaring dapuan ang mga ito ng iba’t ibang uri ng sakit.
Ibinahagi ni Nurse III Elizabeth L. Roxas ang ilan sa mga mahahalagang paksa tungkol sa usaping pangkalusugan, partikular sa sakit na Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS). (Kuha ni Joshua Sugay)
Pinaalalahanan din ni Roxas na gamitin ang mga wastong termino ng reproductive system ng babae at lalaki kapag itinuturo sa mga bata.
Nilinaw naman ni DSWD Calapan City link Angelica Franco na ang mga 4Ps beneficiaries na hindi nakakadalo sa mga ganitong gawain ay maaaring mabawasan ang mga financial grant na matatatanggap.
Ibinahagi rin nito na kadalasan, tumatanggap ang bawat household beneficiary ng P750 para sa health at P600 naman para sa rice subsidy ng mga ito. Para naman sa edukasyon ng mga anak ng mga benepisyaryo, maaaring tumanggap ang mga ito ng P300 para sa elementarya, P500 naman para sa junior high school at P700 naman para sa senior high school.
Dumalo rin sa gawain sina DSWD municipal roving bookkeeper Ma. Michelle Zaren F. Daguno upang mamahagi ng mga cash cards sa mga benepisyaryo at Philippine Information Agency (PIA) Oriental Mindoro Information Center Manager Juanito Joshua G. Sugay III na nagbahagi ng ilang mga nakalinyang programa ng ahensiya at ng pamahalaang nasyunal sa lalawigan sa darating na Marso. (JJGS/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)