No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DA-AMAD nagkaloob ng P1-M sa asosasyon sa Marinduque

GASAN, Marinduque (PIA) -- Pormal nang ipinagkaloob kamakailan ng Department of Agriculture-Agribusiness and Marketing Assistance Division (DA-AMAD) ang tulong pinansyal sa Bahi Agricultural and Fisheries Association (BAFA).

Sa ilalim ng Enhanced Kadiwa ni Ani at Kita Financial Grant Assistance Program ng DA, nabigyan ang BAFA ng pondo na nagkakahalaga ng P1 milyon na makatutulong para mapalago ang produksyon, industriya at pagproseso ng arrowroot sa probinsya.

Ayon kay Karen Sace, general manager ng Bahi Agricultural and Fisheries Association, napakapalad ng kanilang grupo sapagkat isa sila sa kauna-unahang asosasyon sa Marinduque na nabigyan ng tulong pinansyal mula sa Kagawaran ng Pagsasaka.

"Napakalaki po ng maitutulong nitong P1 milyon na ibinigay sa amin ng DA-AMAD para gamitin namin sa pagbili ng mga raw material ng uraro. Hindi po ako makapaniwala na makatatanggap kami ng ganitong halaga mula sa ating gobyerno. Gagamitin po namin ito para mas lalo pang paunlarin ang BAFA ng sa gayon ay makatulong pa kami sa ating mga kababayan na magsasaka lalong lalo na iyong mga nagtatanim ng uraro," pahayag ni Sace.

Ang BAFA na nakabase sa Barangay Bahi, Gasan ay binubuo ng 64 na kasapi kungsaan 32 ang lalaki at 32 ang babaeng magsasaka hindi pa kabilang ang mga young farmer na pinagtutuunan ding mapalakas at maparami ng asosasyon sapagkat may edad na umano ang karamihan sa kanilang miyembro.

Sinabi naman ni Ramon Policarpio, marketing specialist ng DA-Mimaropa Regional Field Office na bukod sa financial grant na ibinibigay ng kanilang ahensya ay tinuturuan at pinapayuhan din nila ang mga miyembro ng asosasyon na direktang bilhin ang ani ng mga magsasaka at rektang ibenta ito sa mga konsyumer o kaya ay iproseso para maging isang lokal na produkto.

Ang programang KADIWA ni Ani at Kita ay isang marketing scheme ng DA na may layuning tulungan ang mga magsasaka at mangingisda na makahanap nang mapagbebentahan ng kanilang mga aning produkto kasabay ang pagtataguyod ng isang masaganang ani at mataas na kita. (RAMJR/PIA Mimaropa - Marinduque)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch