Tinuturuan ng mga kawani ng 4Ps Mansalay ang mga batang katutubo ng tamang pagputol ng kuko (kaliwang larawan) at paglilinis ng katawan. (Larawan kuha ng DSWD Mimaropa)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Pinaglingkuran ng iba’t ibang serbisyo ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa ang mga katutubong benepisyaryo na naninirahan sa Sitio Lucban, Brgy. Panaytayan, Mansalay.
Ang mga kawani ng 4Ps mula sa Mansalay, sa pangunguna ni DSWD project development officer Casimira Bosio, kasama ang mga tauhan ng municipal link na sina Catherine Fos, Florence Fos at Aira Mae Gatoc, upang isagawa ang aktibidad na community family development session at bigyang-kaalaman ang mga benepisyaryo tungkol sa mga programa at iba pang mga paksa na makakatulong sa pagpapaunlad ng pamilya.
Kasabay nito, pinaglaanan din ng panahon ang mga kabataang katutubo na matulungan silang gawin ang proper hygiene. Bukod dito ay tinalakay din ang kahalagahan ng may malinis na pangangatawan sa araw-araw at ang aktwal na gagawin katulad ng pagliligo at paggugupit ng kuko.
Sinabi naman ni Catherine Fos na siyang itinalaga sa nasabing sitio, ang inisyatibong ito ay sinimulan pa nila noong 2019 at natigil lamang noong panahon ng pandemya.
“Tuwing nagsasagawa kami ng family development session sa Sitio Lucban ay napapansin namin na kulang sa kaalaman tungkol sa kalinisan sa katawan ang mga bata, kaya naisipan namin na magsagawa ng ganitong aktibidad para sa kanila,” pagtatapos na mensahe ni Fos. (DN/PIA Mimaropa - Oriental Mindoro)
Larawan sa itaas mula sa DSWD MIMAROPA