LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Inanunsyo ng Professional Regulation Commission (PRC) – Regional Office I ang pagsasagawa ng tatlong araw na pagsusulit na isasagawa sa Pebrero 20, 21 at 22, 2024 para sa mga nais maging mechanical engineer.
Ayon kay PRC Ilocos regional director Arly Sacay-Sabelo, nasa 76 ang inaasahang kukuha ng pagsusulit na gaganapin sa PRC-Regional Office I testing rooms sa bayan ng Rosales sa Pangasinan.
Ayon kay Sabelo, ang mga kukuha ng pagsusulit ay dapat na magdala ng mga sumusunod sa araw ng eksaminasyon: Notice of Admission (NOA), mga lapis (No. 2), ball pens (itim na tinta lamang), isang pirasong mahabang brown na sobre, isang pirasong mahabang transparent (walang kulay) na plastik na sobre para sa pag-iingat ng mga mahahalagang bagay, pagkain na nakalagay sa transparent na lalagyan, at inumin.
“Mahigpit na pinapayuhan ang mga kukuha ng pagsusulit na basahin ang espesyal na panuntunan at advisory sa kanilang NOA, bisitahin at tingnan ang kanilang room assignment sa opisyal na website ng PRC: www.prc.gov.ph nang hindi bababa sa tatlo hanggang limang araw bago ang nakatakdang pagsusulit at i-download ang programa ng eksaminasyon upang magsilbi nilang gabay,” ani Sabelo.
Aniya para sa karagdagang impormasyon, ang mga kukuha ng pagsusulit ay maaaring makipag-ugnayan sa PRC sa pamamagitan ng email sa address na ro1.examination@prc.gov.ph. (JCR/MJTAB/RPM/PIA Pangasinan)