Nasa 100 sako ng bigas ang ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan upang makatulong sa panghihikayat sa mga bara-barangay ng lalawigan sa pagsasagawa ng line clearing operations. (Larawan mula sa PIO Oriental Mindoro)
LUNGSOD NG CALAPAN (PIA) -- Isangdaang sako ng bigas ang ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan sa Oriental Mindoro Electric Cooperative (Ormeco) noong Pebrero 16 sa main office nito sa Sta. Isabel, Calapan City. Ito ay bahagi ng selebrasyon ng ika-51 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng kooperatiba.
Gagamitin ang mga ipinagkaloob na bigas sa mga bayanihan activities ng kooperatiba kagaya ng pagsasaayos ng mga linya ng kuryente. Ibibigay ang mga bigas sa mga magiging katuwang ng Ormeco sa pagsasagawa ng line clearing operations upang maiwasan ang mga hindi inaasahang power interruptions sa mga barangay sa lalawigan.
Ayon kay Governor Humerlito Dolor, batid nito na sana ay makatulong ang mga ipinamahaging mga sako ng bigas sa kooperatiba upang mahikayat ang mga mamamayan na tumulong upang mapadali ang pagsasagawa ng line clearing operations.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ni Ormeco general manager Humphrey Dolor kasama ang mga board of directors ng kooperatiba sa natanggap nilang biyaya mula sa pamahalaan.
Bukod naman sa isinagawang pamamahagi ng mga bigas, inanunsyo rin ni Dolor na nakatakdang magkaroon ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Ormeco upang mapabilis ang elektripikasyon sa mga malalayo at liblib na lugar sa probinsya kabilang na ang lugar ng mga katutubo mula pa sa mga kabundukan.
Ayon sa magiging kasunduan, sasagutin ng pamahalaan ang mga materyales na gagamitin sa elektripikasyon, samantala ang Ormeco naman ang siyang mangangasiwa sa pagsasagawa nito. (JJGS/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)