LUNGSOD NG CALAPAN (PIA) -- Nanumpa na sa tungkulin ang mga nahalal na opisyales ng Persons with Disability Calapan City Federation (PWDCCF) sa harap ni Calapan City Mayor Marilou Flores-Morillo sa tanggapan nito noong Pebrero 20.
Pinangunahan ng bagong pangulo ng pederasyon na si John Vargas ang panunumpa kasama ang anim pang mga opisyal at 10 board of directors mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod upang pamunuan ang 3,348 PWDs at matulungan sa kanilang mga pangangailangan.
Ilan lamang sa mga tulong na ibinibigay ng pamahalaan sa mga may kapansanan ay ang pamamahagi ng assistive devices tulad ng wheelchair, prosthetic legs, salamin sa mata, tulong pangkabuhayan ata marami pang iba.
Ayon kay Morillo, batid niya ang buong suporta sa mga programa at proyekto para sa mga PWD upang lubos na mapakinabangan ang mga benepisyo ng lokal at pambansang pamahalaan.
Sinaksihan din ni Persons with Disability Affairs Office head Benjamin Agua, Jr. ang nasabing okasyon na siya ring sumusuporta at namamagitan sa mga programa at serbisyong nakalaan sa mga taong may kapansanan at ng pamahalaang lokal. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)