No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pangasinan Police Office nagbabala na huwag gawing biro ang ‘bomb threat’

LUNGSOD NG DAGUPAN, Peb. 23 (PIA) – Muling nagbabala sa publiko ang Pangasinan Police Provincial Office na huwag magpakalat o gawing biro ang pagbabanta ukol sa bomba.
 
Ito ay kaugnay ng sunod-sunod na ‘bomb threat’ na naranasan sa lalawigan ng Pangasinan nitong nakaraang linggo.
 
Ani Police Captain Renan Dela Cruz, information officer ng Pangasinan Police Provincial Office, bukod sa magdudulot ito ng takot sa publiko ay mayroon itong kaakibat na kaso ng pagkakakulong ng hindi bababa sa limang taon o multa na hindi hihigit sa P40,000.
 
Aniya, mayroong siyam na bomb threat ang naireport sa lalawigan kabilang na sa Mangaldan National High School sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan National High School sa Lingayen, at Pangasinan State University campuses sa Lingayen at San Carlos City.
 
Nakapagtala rin ng bomb threats maging sa mga tanggapan ng Social Security System (SSS) sa lungsod ng Alaminos at San Carlos, at sa mga bayan ng Bayambang, Lingayen, Mangatarem.
 
Sa isinagawang assessment, kinumpirma ng Pangasinan Police Provincial Office na walang bomba at pananakot lamang ang motibo.
 
“Noong nagsagawa kami ng clearing operation sa mga lugar na sinabing may bomba ay walang indikasyon na mayroong hazardous materials. So, safe ang lugar at sa aming assessment ay gawa-gawa lamang ito para i-disturb ang peace and order,” ani Dela Cruz sa programang Pantongtongan Tayo ng Philippine Information Agency.
 
Paalala naman ni Dela Cruz na kaagad na ipagbigay-alam sa himpilan ng Philippine National Police kung mayroong matatanggap na ‘bomb threat’ sa email, Facebook, text message, o tawag sa telepono.
 
“Iwasan din na gumawa ng ingay na maaaring mag-trigger ng panic sa publiko,” dagdag ni Dela Cruz. (JCR/AMB/JCDR/PIA Pangasinan)

About the Author

Jenrie Del Rosario

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch