LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- May 2,000 bakawan ang itinanim sa Barangay Masukol, Paombong at Tibaguin, Hagonoy upang mapanumbalik ang mga bakawan sa mga baybaying barangay sa lalawigan.
Bahagi ang 2,000 punla sa 10,000 bakawan na nakalaaang itanim sa mga nasabing lugar sa susunod na tatlong taon.
Ayon kay Provincial Agriculturist Ma. Gloria SF. Carrillo, patuloy na lumiliit ang taniman ng bakawan sa lalawigan at kumakaunti ang bilang ng mga nahuhuling isda dahil wala na silang breeding area, kaya naman nababawasan din ang kita ng mga mangingisda.
Ang bakawan ay proteksyon kapag may daluyong o pagtaas ng alon sa karagatan.
Ito rin ang natural o likas na tirahan ng mga yamang-dagat.
Batay sa datos, 391.14 ektarya na lamang ng bakawan ang natitira sa lalawigan at sinasabing 15 porsyento lamang ito ng kabuuang pambansang datos ng area planted with mangrove.
Ayon kay Carillo, layunin ng nasabing aktibidad na maparami ang huli ng mga mangingisda upang makatulong sa pang-araw-araw nilang kabuhayan.
Samantala, bilang katiwala ng mga bakawan na magpapalaganap, magtatanim, mag-aalaga, at magpapanatili ng mga itinanim na punla, dalawang beses na tatanggap ng tulong pinansyal ang Samahang Mangingisda ng Isla Tibaguin mula sa Eagle Cement Corporation.
Ang unang pagkakataon ay sa pagtatanim ng mga punla, at matapos ang anim na buwan mula sa petsa ng pagtatanim depende sa dami ng mabubuhay na bakawan.
Katuwang ng pamahalaan panlalawigan sa pangunguna ng Provincial Agriculture Office sa pagtatanim ng bakawan ang Eagle Cement Corporation, gayundin ang Bulacan Environment and Natural Resources Office, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Pamahalaang Bayan ng Hagonoy at Paombong, Department of Environment and Natural Resources Region 3, Mines and Geosciences Bureau Region 3, Provincial Environment and Natural Resources Office-Bulacan, at mga Rotary Club ng Independencia, Malolos Congreso, Guiguinto Bloomingdales, at Malolos Hiyas. (MJSC/VFC-PIA 3)