(Tagalog translation)
Cordillera CIPC, babalangkas ng resolusyon na tumututol sa HB 9608
BAGUIO CITY (PIA) -- Babalangkas ang Committee on Indigenous Peoples' Concerns (CIPC) ng resolusyon na tumututol sa House Bill 9608.
Isusumite ng komite ang resolusyon sa Regional Development Council para sa pag-apruba ng konseho bago bibigyan ng kopya ang mga kongresista ng Cordillera at mga senador.
Inisponsoran ni Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo ang nasabing panukala na naglalayong ma-rationalize ang ancestral lands administration and adjudication process at maamyendahan ang Republic Act No. 8371 o ang Indigenous Peoples Rights Act.
Sa ilalim ng HB 9608, ililipat sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Ancestral Domains Office ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Ayon kay NCIP Cordillera Regional Director Atty. Roland Calde, ang ancestral domain ang sentro ng IP rights at lahat ng karapatan ay may kaugnayan sa ancestral domain recognition kaya't hindi ito dapat maipasa sa ibang ahensiya.
"Bringing ancestral domain recognition to DENR can be considered conflict of interest especially that DENR framework is Regalian Doctrine, not Native Title," si Calde.
Paliwanag nito, sa ilalim ng Regalian Doctrine, lahat ng lupa at natural resources ay pag-aari ng State kung saan, ang Estado ang may pribilehiyo na magbigay ng recognition of ownership sa sinumang indibidual. Samantala, sa Native Title, ang lupa ay pag-aari ng mga indigenous peoples (IP) at hindi sakop ng Regalian Doctrine.
"In our position, the ancestral domain never form part of the Regalian Doctrine. The property owned by the Spanish Government which was then sold to the Americans, which the Americans turned over to the government, is [covered by] the Regalian Doctrine. The ancestral domain, the Cordillera [however] never formed part of the property owned by the Spanish, which was turned over to the US government, hence, it is not owned by the State or does not form part of the Regalian Doctrine," paliwanag ni Calde.
Dagdag pa nito, malinaw din ang diskriminasyon sa parte ng proponent matapos nitong ideklara na hindi niya kinikilala ang indigenous cultural communities o IPs ng Camiguin.
Patuloy ang pagkalap ng NCIP ng pahayag ng iba't ibang sektor lalo na ang mga IP leaders at IP organizations. Ito ang gagamitin nilang basehan sa pakikipag-usap sa mga mambabatas.
Ilang grupo at pamahalaang lokal na rin ang nagpahayag ng kanilang mariin na pagtutol sa nasabing panukala. (DEG-PIA CAR)