No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ika-40 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Alejo Santos ginunita sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Ginunita sa Bulacan ang Ika-40 Taong Anibersaryo ng Pagkamatay ni dating Defense Secretary Alejo Santos.

Itinaguyod ito ng Pangkat Saliksik ng Kasaysayan ng Bayan sa pakikipagtulungan ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office (PHACTO) at ng Bulacan Police Provincial Office.

Sa ginanap na programang pang-alaala sa Kampo Alejo Santos sa lungsod ng Malolos, ipinahayag ni Deputy Police Provincial Director for Administration Police Lieutenant Colonel Jacquiline Puapo na nangingibabaw na modelo ng isang kawal, pulis at lingkod bayan si Santos.

Pinatunayan aniya ito mula sa pagiging isang beterano, Gobernador ng lalawigan ng Bulacan, kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Bulacan, komisyoner ng Reperasyon ng Pilipinas sa Japan, at kalihim ng Tanggulang Pambansa.

Kaya’t para kay PHACTO Head Eliseo Dela Cruz, makatwirang dapat gawing taunan ang pagdadaos ng mga ganitong programang pang-alaala.

Ito’y upang maikintal sa mga kabataan ang haba at lalim ng naiambag ni Santos sa Bulacan at sa Pilipinas.

Gayundin ang pagkakaroon ng pagkakataon upang mabigyan ng inspirasyon ang mga kabataan na maniwalang posibleng magawa ang mga inaakalang imposible na pinatunayan ni Santos.

Kaya naman sa programang pang-alaalang ito, detalyadong inilahad ni Dela Cruz ang mahabang karanasan ni Santos mula sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa ganap na pagsasarili ng Pilipinas.

Unang nakilala si Santos nang pangunahan niya ang 31st Division ng United States Armed Forces in the Far East (USAFFE) na kinabibilangan ng mga tropang Pilipino at Amerikano. Ang pwersang ito ang huling dumipensa sa Layac na nasa Pilar-Bagac Road sa Bataan.

Nang bumagsak ang Bataan at sumuko ang USAFFE sa kamay ng mga Hapon, kabilang siya sa mga pinarusahang maglakad sa Death March pero matagumpay na nakatakas.

Naging pagkakataon ito upang matipon niya ang mga gerilya at natitirang kasapi ng USAFFE upang muling magpalakas at tumindig laban sa mga Hapon.

Umabot sa 23 libong mga gerilya ang kanyang natipon kaya’t nabuo ang Bulacan Military Area (BMA) na nakabase sa Bustos, Bulacan.

Mula rito ay nagsagawa ng mga serye ng raid at pocket battles laban sa mga Hapon kaya’t bago pa man bumalik ang mga Amerikano noong 1944, marami na silang napagtagumpayan na laban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang kanyang katapangan at naiambag sa paglaban sa mga Hapon ay nagbunsod upang maihalal siya bilang Gobernador ng Bulacan noong 1952.

Sa kanyang panunungkulan naideklara ang harapang bakuran ng Kapitolyo bilang BMA Memorial Park na handog sa kadakilaan ng mga kasama niyang lumaban at namatay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Hinirang naman si Santos ni Pangulong Ramon Magsaysay bilang komisyoner ng Reperasyon ng Pilipinas sa Japan. Ito ang nag-asikaso sa bayad-pinsala ng mga Hapon sa bansa na umaabot sa halagang US$800 milyon.

Kabilang sa napondohan nito ang dieselization ng noo’y Manila Railroad Company noong 1956, na ngayo’y tinatawag na Philippine National Railways.

Taong 1959 nang mahirang si Santos bilang kalihim ng Department of National Defense ni Pangulong Carlos P. Garcia.

Dahil sa posisyong ito, naging tagapangulo siya ng Philippine Veterans Bank na nangangalaga at tumutugon sa iba’t ibang pangangailangang pinansiyal ng mga beterano ng digmaan.

Sa makabagong panahon, ipinangalan sa kanyang karangalan ang General Alejo Santos Highway na ipinagawa sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Isa itong daan na nag-uugnay mula sa panulukan ng Daan Maharlika sa crossing ng Plaridel na bumabaybay sa mga bayan ng Bustos, Angat at Norzagaray. (CLJD/SFV-PIA 3)

Ginunita ang Ika-40 Taon ng Pagkamatay ni dating Defense Secretary Alejo Santos na sumentro sa kanyang natatanging ambag bilang isang beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at isang lingkod bayan mula sa pagiging gobernador, komisyoner at miyembro ng gabinete. (Shane F. Velasco/PIA 3)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch