LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) – Idinetalye ng Philippine Statistics Authority o PSA ang mas pinadali at pinabilis na sistema ng pagtatama sa mga maling detalye ng birth certificates.
Sa pagdiriwang ng 34th National Civil Registration Month, sinabi ni Noeville G. Nacion, registration officer II ng PSA Bulacan, na mainam na maasikaso nang mas maaga ang mga maling detalye sa birth certificates.
Aniya, ang pagpapalit ng letra sa pangalan o pagpapalit sa mismong pangalan, at pagtatama sa mga maling detalye gaya ng kasarian, buwan, at araw ng kapanganakan ay idinudulog na lamang sa mga local civil registrars.
Maaari ring maiayos ang mga kahalintulad na problema sa birth certificate para sa mga Pilipinong nasa ibang bansa sa pamamagitan ng mga consul general sa mga embahada.
Kailangan lamang magdala at magsumite ng anumang dokumento o identification card na magpapatunay sa mga pagkakamaling dapat maituwid sa birth certificate.
Paglilinaw ni Nacion, pupunta lamang sa PSA kapag natapos ng ayusin ng mga nasabing tanggapan ang mga detalye sa birth certificate.
Samantala, sa mga korte naman nireresolba ang mga problema sa taon ng kapanganakan.
Dahil dito, sinabi ng PSA na mas mabilis na ang pagsasaayos sa mga detalye ng nasabing dokumento na tumatagal na lamang ng tatlo hanggang anim na buwan.
Tungkol naman sa usapin ng birth certificate ng mga anak na nasa iba’t ibang hindi karaniwang sitwasyon, sinabi ni Nacion na patuloy na umiiral ang Republic Act 9255 upang maprotektahan ang birth certificate ng mga ito.
Kapag hindi pa kasal ang mga magulang ng isang bata, ang apelyido ng ina ang dapat na mailagay sa birth certificate nito, at pagsapit ng 18 taong gulang ay may karapatan itong pumili kung ang apelyido ng tatay o nanay ang kanyang gagamitin.
Para naman sa mga batang ayaw kilalanin ng kanilang ama, awtomatikong apelyido ng ina ang gagamitin.
Kung dumating naman ang pagkakataon na pumapayag na ang ama na ipagamit ang kanyang apelyido ay mangangailangan ng isang affidavit para dito.
Sinumang may ganitong uri ng problema sa birth certificate ay kailangang tumungo muna sa local civil registry na nasa kani-kanilang mga munisipyo at lungsod.
Kapag naaprubahan ang mga pagbabago o pagtatama sa nasabing dokumento, maglalabas ng verified copy ang PSA upang maging pangmatagalang kopya ng isang indibidwal. (MJSC/SFV-PIA 3)