Pinangunahan ni Concepcion Mayor Nicon Fameronag ang capsule laying ceremony para sa itatayong kauna-unahang water dam sa isla ng Sibale sa Romblon. (Larawan mula sa Concepcion Public Information Office)
ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Sisimulan nang itayo ng pamahalaang lokal ng Concepcion ang kauna-unahang water dam na nagkakahalaga ng P14.8 milyon.
Sa ginanap na capsule laying ceremony kamakailan, sinabi ni Concepcion Mayor Nicon Fameronag na magiging daan ang dam para magkaroon ng water sufficiency ang isla at makakatulong para mas palaguin ang pagsasaka, ekonomiya, at negosyo.
Ang dam ay itatayo sa Sitio Gaylang sa Barangay Calabasahan na sagana sa tubig mula sa isang bukal. May kapasidad itong mag-imbak ng 400K litro ng malinis na tubig.
"Water is life and by harnessing nature through this small water dam, we are taking a giant step towards ensuring the availability of safe water for our people, which is one of the United Nation's sustainable development goals," ayon sa pahayag ng alkalde.
[Ang tubig ay buhay at sa pamamagitan ng paggamit ng kalikasan sa pamamagitan ng maliit na water dam na ito, gumagawa tayo ng malaking hakbang patungo sa pagtiyak ng pagkakaroon ng ligtas na tubig para sa atin na isa sa mga layunin ng United Nation.]
Kapag natapos ang proyekto, inaasahang makakapag-bigay ito ng malinis na tubig sa Barangay Calabasahan, Sampong at ilang bahagi ng Bachawan. (PJF/PIA MIMAROPA - Romblon)