LUNGSOD NG DAGUPAN, Peb. 29 (PIA) – Sumailalim sa tatlong araw na capacity building sa paggamit ng GeoriskPH platforms ang nasa 144 na disaster responders mula sa iba’t ibang bayan sa Pangasinan nito lamang Pebrero 20-22.
Ani Ron Maegan Equila, research at planning officer ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang mga sumailalim sa naturang capacity building ay ang mga local DRRMO officers at local planning and development officers (LPDOs) mula sa 44 na munisipalidad at apat na lungsod sa lalawigan.
Ani Equila, ang GeoriskPH ay isang training course na inorganisa ng Department of Science and Technology (DOST)-Region 1 sa pakikipagtulungan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na naglalayong tulungan ang mga lokal na pamahalaan na epektibong maunawaan at magamit ang GeoMapperPH sa pagbuo ng kanilang geodatabase.
Aniya, ilan sa mga tinalakay sa tatlong araw na capacity building ay ang mga sumusunod na paksa: Introduction to the GeoRisk Philippines Initiative; Earthquake and Volcanic Hazards; The 3Rs of a Disaster and Disaster Preparedness; Creating and Editing Features in GeoMapperPH Mobile Application; Introduction to GeoMapperPH; Introduction to HazardHunterPH; at Introduction to GeoAnalyticsPH and GAPH Pro.
Ayon naman kay Office of Civil Defense (OCD)-Region 1 Regional Director Gregory Cayetano, mahalaga ang pagsasanay sa GeoriskPH dahil tinalakay dito ang iba’t ibang paraan para sa isang komprehensibong Disaster Risk Reduction and Management Planning na magagamit ng iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan.
Ang pagsasanay sa paggamit ng mga platform ng GeoRiskPH para sa mga munisipalidad at lungsod sa lalawigan ay naglalayon din na isama ang kahalagahan ng pag-geotagging ng mga kritikal na imprastraktura sa Pangasinan bilang pagsunod sa inaprubahang Provincial Ordinance No. 268-2021.
Samantala, nakatanggap din ng 48 units ng 2.8 KVA portable generator sets (gensets) ang lahat ng bayan at lungsod sa Pangasinan mula sa OCD bilang dagdag na kagamitan sa paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Bise Gobernador Mark Ronald Lambino ng Pangasinan para sa ipinagkaloob ng OCD na kagamitan sa lalawigan gayundin sa DOST-Region 1 at PHIVOLCS para sa pagsasanay ng mga LDRRMOs nito.
Aniya, ang pagbibigay ng dagdag na kaalaman sa mga LDRRMOs at ang dagdag na kagamitan ay mas magpapalawig sa kakayahan ng mga disaster responders sa lalawigan kung saan mas mapaghahandaan ng lalawigan ang posibleng sakuna at makakapagplano ng mas epektibong pagtugon sa kalamidad. (JCR/AMB/RPM/PIA Pangasinan)