Namahagi ang Provincial Health Office ng mga motorsiklo para sa kanilang mga health care workers. (Larawan mula sa PHO Palawan)
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Tumanggap ng mga gamit tulad ng uniforms, blood pressure apparatus at thermometers kamakailan ang mga barangay health workers (BHW) mula sa mga bayan ng Aborlan at Rizal sa lalawigan ng Palawan.
Ang nasabing mga gamit ay ipinagkaloob ng Coral Bay Nickel Corporation at personal na ipinamahagi ng mg kawani ng Provincial Health Office ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan sa magkahiwalay na aktibidad.
Ang bayan ng Rizal ay tumanggap ng 379 uniforms, 11 blood pressure pparatus, at 11 thermometers samantalang ang bayan naman ng Aborlan ay tumanggap ng 210 uniforms, 19 blood pressure apparatus, at 19 thermometers.
Isinagawa rin ang Memorandum of Agreement (MOA) signing para sa 2024 incentives ng mga accredited community volunteer health workers (CVHW) na binubuo ng mga barangay health workers, voluntary barangay sanitary inspectors (VBSI), at barangay Malaria microscopists (BMM) na nagmula sa mga nabanggit na bayan gayundin ang Development Bank of the Philippines (DBP) cash card application. Inaasahan naman na isasagawa rin ang kahalintulad na aktibidad sa ilan pang mga bayan sa lalawigan ng Palawan.
Samantala, walong bagong motorsiklo ang pormal na naturn-over sa mga health care workers sa lalawigan.
Ito ay sa ilalim ng Vehicle Revolving Fund Program na naglalayong maitaas ang kalidad ng paghahatid ng serbisyo para sa mga Palaweño lalo’t higit sa mga malalayong barangay ng lalawigan.
Unang naisakatuparan ang naturang programa sa pamamagitan ng Integrated Community Health Services Project ng Department of Health na patuloy na itinataguyod ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng isang ordinansa na may titulong “The Vehicle Revolving Fund for Health Workers in the Province of Palawan”.
Sa kasalukuyan, mayroong 121 units ng motorsiklo ang naipamahagi sa mga kwalipikadong health workers mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)