DAET, Camarines Norte (PIA) – Umabot sa 403 na indibidwal mula sa iba't ibang bayan ng Camarines Norte ang nakapagparehistro sa isinagawang Special Satellite Register Anywhere Program (SSRAP) ng Commission on Elections (COMELEC) sa SM City Daet.
Ito ay isinagawa rin sa ibang mga munisipal at siyudad ng bansa sa itinakdang araw ng bawat probinsiya bilang paghahanda sa darating na nasyunal at lokal na halalan sa susunod na taon.
Sa pakikipanayam sa Provincial Election Supervisor ng COMELEC Camarines Norte na si Atty. Francis Nieves, sinabi nito na nais ng kanilang ahensiya na maiparehistro ang iba pang mga indibidwal para sa kanilang karapatan na bomoto.
Ayon kay Nieves, matapos ang naturang special satellite registration ay magsasagawa rin sila sa mga barangay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga hindi pa nakakapagparehistro sa COMELEC.
Kabilang sa pagpapatala ang nagpalipat ng kanilang lugar sa pagboto, pagtatama ng pangalan o maling letra, pagpapalit ng status o apelyido sakaling nakapag-asawa na.
Pinapayagan rin ng COMELEC na maibalik ang dating apelyido o middle name ng mga kakabaihan subalit hindi mababago ang status. Anya, kailangan pa rin na ilagay na siya ay kasal o sa ilalim ng married status.
Ang mga botante naman mula sa ibang probinsiya ay may pagkakataon pa rin para sa register anywhere sa COMELEC Daet para tumanggap ng mga magpapa rehistro.
Hindi na kailangang pumunta pa sa kanilang mga probinsiya ang mga mag re rehistro lalo na kung malayo man ang kanilang pinanggalingan sa naturang programa ng COMELEC.
Kailangan lang sabihin kung matagal na sila sa kanilang lugar o dito na sila nagtatrabaho, nagbabakasyon o dalawang beses na hindi na nakaboto at natanggal sa talaan o baguhan.
Hinihikayat ng COMELEC ang mga hindi pa nakakapagparehistro dahil magtatapos ito sa Setyembre 30 ngayong taon.
Hangad ng COMELEC na maiparehistro ang mga indibidwal para sa kanilang karapatan na bomoto partikular na ang mga senior citizens, Persons with Disability (PWD) at Indigenous People (IPs). (PIA5/ Camarines Norte)