Ang pag-iikot sa buong lungsod ng Bureau of Fire Protection upang ipaalala ang pagsisimula ng fire prevention month. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA Oriental Mindoro)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Nagsagawa ng motorcade sa 15 bayan sa lalawigan ng Oriental Mindoro ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) para sa pagbubukas ng selebrasyon ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso.
Ito ay simbolo upang ipaalala sa mamamayan na mag-ingat sa mapaminsalang apoy na maaaring sumira sa mga ari-arian at buhay ng tao lalo na ngayong panahong ng tag-init.
Isa sa nagpakita ng suporta at umikot sa buong lungsod ang Calapan City Fire Station, City Disaster Risk Reduction and Management Department, Calapan City Police at iba pang stakeholders na katuwang ng BFP.
Nagpaalala si acting city fire marshall Angel Lynn B. Salvador na ugaliing alisin ang plug ng mga appliances sa outlet kapag aalis ng bahay, iwasan ang maraming nakasaksak na plug sa extension wires na maaaring mag dulot ng short circuit na siyang magiging sanhi ng sunog, at iwasan ang pagtapon ng upos ng sigarilyo sa mga tuyong damo upang hindi ito lumikha ng grass fire.
Dagdag ni Salvador, agad na ipagbigay alam sa Calapan City Fire Station sakaling may namataan na sunog o grass fire upang agad na maapula at hindi na makaapaekto pa sa mga ari-arian. Tumawag lamang sa kanilang himpilan sa mga telepono bilang; 043-288-7777, 0915-603-1561 at 0981-478-2880. (DN/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)