Binigyang pagkilala ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gob. Humerlito Dolor sina DENR Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga (kaliwa) at si DSWD Sec. Rex Gatchalian dahil sa malaking ambag ng kanilang tanggapan sa kasagsagan ng oil spill sa lalawigan noong nakaraang taon. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Dumalo sina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga, at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex T. Gatchalian sa paggunita ng unang anibersaryo ng naganap na oil spill sa lalawigan na isinagawa sa Bulwagang Panlalawigan, Calapan City noong Marso 1.
Ayon kay Sec. Loyzaga, malaki ang pasasalamat ng DENR sa tulong ng pamahalaang nasyunal upang maibsan ang pinsalang dulot ng oil spill sa lalawigan.
“Wala man kaming bitbit na tulong para sa pang araw-araw na pangangailangan ng mga Mindoreño, ngunit ang serbisyo ng aming tanggapan nawa ay nakapagbigay din ng malaking tulong upang maibsan ang pinsala na maaring idulot ng oil spill sa buong lalawigan at hindi rin namin ito mapagtatagumpayan kung walang tulong ang iba pang ahensiya ng pamahalaan,” saad ni Loyzaga.
Ayon naman kay Sec. Gatchalian, dahil sa pakikiisa ng mga ahensya ng pamahalaan at ng pamahalaang panlalawigan ay naihatid ng DSWD ang tulong para sa mga apektado ng oil spill.
“Naging madali ang trabaho ng DSWD dahil sa episyenteng sistema sa pamamalakad ng pamahalaang panlalawigan. Sa talaan ng kasaysayan ng aming departamento dito lamang sa Oriental Mindoro kami nakapagbahagi ng pinakamaraming food boxes at iyan ay madaling naipamahagi dahil na rin sa pakikiisa ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at ng pamahalaang panlalawigan,” saad ni Gatchalian.
Binigyan ng pagkilala ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor, kasama rin sina Office of the Civil Defense Undersecretary Ariel F. Nepomuceno sina Loyzaga at Gatchalian. Samantala, pinagkalooban naman ng plaque of commendation si Coast Guard Commodore Geronimo Tuvilla, kaisa ang 800 pang kawani ng Philippine Coast Guard.
Bukod sa mga nabanggit na ahensya ay tumanggap din ng plake ng pagkilala ang Department of Transportation, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Department of Tourism, Environmental Management Bureau, 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army, mga tanggapan at samahan ng media sa nasyunal at lokal, at marami pang iba. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)