No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pinsala ng El Niño sa Occidental Mindoro, umabot na sa higit P100-M

Batay sa datos na hawak ng Office of the Provincial Agriculturist, apektado ng tagtuyot ang palay, mais, sibuyas at mungbean sa pitong bayan ng Occidental Mindoro. (VND/PIA OccMdo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro -- Umabot na sa P118 milyon ang halaga ng pinsalang hatid ng El Niño sa agrikultura ng lalawigan ng Occidental Mindoro, ayon sa Office of the Provincial Agriculturist.

Batay sa datos na hawak ng tanggapan, apektado ng tagtuyot ang palay, mais, sibuyas at mungbean sa mga bayan ng San Jose, Rizal, Calintaan, Sablayan, Mamburao, Looc at Lubang.

Ayon kay provincial agriculturist Alrizza Zubiri na mahigit dalawang libong ektarya sa buong probinsya ang wala o kulang na ang tubig para sa mga pananim. Samantala, 2,369 na mga magsasaka naman ang apektado ang kanilang mga kabuhayan.

Ayon pa kay Zubiri, inaasahan ng tanggapan na tataas pa ang datos ng pinsala ng tagtuyot sa probinsya. Bukod aniya sa may ilang bayan ang hindi pa nakapagsusumite ng kanilang 'damage to crops report' patuloy pang mararanasan ng bansa ang epekto ng El Niño hanggang buwan ng Mayo.

Bukod sa epekto ng tagtuyot, iniulat ni Zubiri ang pananalasa ng fall army worm na sa ngayon ay higit P27 milyon na ang halaga ng pinsala. Aniya, sinira ng mga nabanggit na insekto ang mga tanim na yellow corn sa Sablayan at Calintaan.

“Sadya kasing mataas ang tsansa ng pamemeste sa mga lugar na nakakaranas ng tagtuyot,”dagdag ni Zubiri. Patuloy aniya ang assessment na isinasagawa ng mga pamahalaang bayan sa epekto ng El Niño sa kanilang mga pananim.

Nagpatawag na rin ng pulong ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) at nakatakdang humiling ng interbensyon sa iba’t ibang ahensya.

Ang pamahalaang panlalawigan naman ay nagpadala na ng mga kawani na may kasanayan sa paggamit ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis na malaking tulong upang matukoy ng bawat munisipyo kung gaano kalaki ang epekto ng tagtuyot sa kanilang lugar at malaman ang karampatang aksyon na dapat ibaba sa mga naapektuhang bayan. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch