LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Isa sa 33 establisyimento sa lungsod ng Calapan ang nakitaan kamakailan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng paglabag sa Bureau of Philippine Standards dahil sa pagbebenta ng mga substandard na produkto.
Dahil dito, agad na sinelyuhan ang mga ito ng provincial monitoring and enforcement team (PMET) upang hindi na ito maibenta pa sa merkado.
Ayon kay DTI Oriental Mindoro provincial director Arnel Hutalla, ang mga sinelyuhang produkto ay mga kawad o alambre na nagkakahalaga ng ₱57,200 na nakita sa isang tindahan ng construction materials.
Samantala, nagsagawa rin ng inspeksyon ang DTI sa mga tindahan ng household appliances, consumer electronics, lighting and wiring devices, steel products, plastic pipes, ceramic products, produktong kemikal, mga piyesa ng mga sasakyan at iba pang mga produktong nangangailangan ng mandatory certification.
Maliban dito, ininspeksyon din ang mga produkto na sakop ng Fair Trade Laws tulad ng price tag, labeling, serbisyo at repair enterprises accreditation, tobacco act at vape law.
Patuloy pa rin ang paalala ng DTI sa mga konsyumer na hanapin ang Philippine Standard (PS) mark o Import Commodity Clearance (ICC) sticker sa mga produkto upang matiyak na ito ay nakapasa sa pagsusuri ng Bureau of Philippine Standards.
Dagdag pa ni Hutalla, maaaring i-download at gamitin ang ICC verification system mobile app upang maberepika kung tama at lehitimo ang ICC sticker na nakadikit sa produkto at ipagbigay alam sa kanilang tanggapan ang tindahang nagbebenta ng mga produktong hindi sertipikado para agad na magawan ng kaukulang aksyon ng ahensya. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)
LARAWAN SA ITAAS MULA SA DTI ORIENTAL MINDORO