LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Sinukatan ang 100 senior citizens at persons with disability (PWD) ng hearing aid habang 18 naman ang sinukatan ng prosthetic legs bilang tulong ng tanggapan ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa inisyatibo ng pamahalaang panlungsod kamakailan.
Ayon kay PDAO head Benjamin Agua Jr, malaking tulong ang ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan sa mga nakatatandang mamamayan na may problema sa pandinig at mga kasapi ng may kapansanan dahil gustuhin man nilang magkaroon ng mga nabanggit na assistive devices ay hindi sapat ang kanilang pera para magkaroon ng mga ito.
Sa suporta ng mga nasa pribadong sektor ay naging posible ang pagkakaloob ng mga nabanggit na aparato at malaking tulong na rin ito sa kanilang pang araw-araw na aktibidad upang mamuhay ng normal tulad ng pangkaraniwang tao.
Pinasalamatan ng mga benepisyaryo ang PDAO at si Mayor Marilou Morillo sa pagpupursige na matulungan sila upang mas lalo pang mapalakas ang sektor ng mga pangunahing mamamayan at mga may kapansanan sa lungsod. (DN/PIA Mimaropa - Oriental Mindoro)