PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Inorganisa ng provincial gender and development (GAD) office katuwang ang provincial economic enterprise and development office (PEEDO) ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan sa tulong na rin ng mga GAD focal point ng bawat departamento ng kapitolyo ang "Baratilyo ni Juana sa Kapitolyo".
Layunin ng aktibidad na mabigyan ng pagkakataon ang mga kababaihang lingkod bayan na magkaroon ng karagdagang kita at mahasa pa ang entrepreneurial skills ng mga ito.
Tampok dito ang iba't ibang kasuotan, pre-loved items, pagkain at ilang mga kagamitan na maaaring mabili hindi lamang ng mga taga-kapitolyo kundi ng mga panauhin na nagnanais na tangkilikin ang mga nabanggit na produkto.
Ang Baratilyo ni Juana sa Kapitolyo ay nagsimula noong March 6 at regular itong isasagawa tuwing araw ng Miyerkules sa centennial pavilion ng kapitolyo hanggang matapos ang pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan.
Mayroon naman itong special edition ngayong Marso 8 para sa pagdiriwang ng International Women’s Day kung saan aktibong nakibahagi dito ang mga kababaihang kawani ng pamahalaang panlalawigan.
Maliban dito ay nagkaroon din ng maikling programa na isinagawa sa Victoriano J. Rodriguez Multipurpose Hall na sinundan naman ng iba’t ibang aktibidad tulad ng libreng manicure, pedicure, libreng gupit ng buhok at libreng masahe. Isinagawa naman ang Kalinga sa Alagang Hayop ni Juana kung saan libreng mababakunahan ng anti-rabies at pagkakapon ng mga alagang aso at pusa sa pangunguna ng Provincial Veterinary Office. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)