LUNGSOD NG QUEZON --Katuwang ng mga organic agriculture (OA) farmer sa CALABARZON ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa paghahanda sa implementasyon ng Participatory Guarantee System (PGS) sa rehiyon.
Ang PGS, alisunod sa Republic Act No. 11511 o ang “Act Amending the Organic Agriculture Act of 2010, ay naglalayon na matulungan ang maliliit na magsasaka at mangingisda na magkaroon ng sertipikasyon ang kanilang mga organikong produkto nang hindi na kinakailangang dumaan sa third party certifying bodies.
Ang PGS ay binubuo ng mga organic farmers cooperative and associations (FCAs) at pribado at pampublikong sektor na layuning makapagbigay ng lehitimong sertipikasyon sa mga organikong produkto sa mas mababang halaga.
Tungkulin din ng mga grupong mapapasama sa PGS na bantayan ang buong proseso ng sertipikasyon ng mga organikong produkto mula sa produksyon hanggang pagbebenta ng mga produkto sa merkado.
Sa PGS, kasama na ang mga napiling asosasyon at kooperatiba sa pagsesertipika ng mga produkto at pagbibigay ng mga rekomendasyon sa mga dapat isaalang-alang sa pagsesertipika.
Patuloy ang OA Program ng DA-4A sa pakikipag-ugnayan sa mga FCAs na maaaring mapabilang sa PGS.
Ang Baras Bidofa FA, HERBS Inc., Tanim Agriculture Cooperative, at San Pablo Cooperative – Ube, ang ilan sa mga FCAs sa CALABARZON ang sumailalim sa Internal Control System towards PGS Training noong Hulyo. Tinalakay dito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng PGS at ang mga gampanin ng mga samahan na mapapabilang dito.
“Nagpapasalamat kami sa DA dahil sa pagpapatupad nitong PGS. Nagbibigay ito ng pag-asa na ma-certify ang produkto namin. Kasi dati hindi namin kayang magbayad ng halos fifty to hundred thousand para sa pag-process ng certification. Ngayon, may bayad pa rin naman pero hindi na gano’n kalaki,” ani Rudellyn C. Cabutin, miyembro ng Tanim Agriculture Cooperative. (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)