“Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga katutubo sa sektor ng agrikultura kaya naman importanteng makapagpaabot din tayo ng tulong sa mga magsasakang katutubo na nasa kabundukan gaya ng pagtulong natin sa mga magsasaka sa kapatagan,” ani Antonio I. Zara, DA-4A 4Ks Project Focal Person.
Laking-pasasalamat ng mga Dumagat sa mga naipamahaging tulong sa kanila ng DA-4A.
“Nagpapasalamat kami dahil laging nandyan ang DA na nakasuporta at nakaalalay sa amin. Ang mga ibinigay nila ay gagamitin namin para magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan,” ani Julieta P. Lustre, Bise Presidente ng SPSKP.
Inaasahan naman na mauumpisahan sa ikalawang semestre ng taon ang pagpapatayo ng tatlong vermicomposting facility, wood vinegar processing facility, at vegetable nursery sa Tanay, Rizal, lugar kung saan may pinakamaraming populasyon ng mga Dumagat sa rehiyon. Ang pondong gagamitin sa pagpapatayo ng mga pasilidad na nagkakahalaga ng P1,619,950 ay magmumula pa rin sa proyektong 4Ks.
Patuloy din ang DA-4A sa pagdaraos ng mga pagsasanay na magpapaunlad sa kakayahan ng mga Dumagat na magsasaka tulad ng training on crop production, pest and disease control management, basic meat processing, at training on equipment on botanical concoction and facilitating vermicast.
Ang mga empleyado naman ng DA-4A na humahawak sa proyektong 4Ks ay dumalo sa serye ng mga pagsasanay tungkol sa mga katutubo na inihanda ng DA Central Office mula ika-9 hanggang ika-13 ng Agosto bilang paggunita sa Indigenous People’s Week at para na rin makakalap ng mga karagdagang ideya sa kung paano pa mas matutulungan ang mga katutubo, higit lalo ang mga Dumagat. (Reina Beatriz P. Peralta, DA-RFO IVA, RAFIS)