LOS BANOS, Laguna --Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 4A (BFAR, 4A), sa pamamagitan ng Fisheries Production and Support Services Division (FPSSD) sa pamumuno ni Regional Director Sammy A. Malvas, ay matagumpay na nakapagpapisa ng itlog ng tilapia para sa operasyon ng pangalawang Tilapia Intensive Hatchery sa CALABARZON na matatagpuan sa Regional Office, Los Banos, Laguna.
Sa unang pagsubok para sa nasabing proyekto, ang BFAR 4A ay nakapagtala ng hindi bababa sa 95% ‘hatching rate’ noong Agosto 4, 2021. Ito ay nangangahulugan ng mas mataas na produksyon ng fingerlings sapagkat naiiwasan dito ang pagkabugok ng mga itlog at pagkamatay ng mga kawag o fry dahil sa predation ng mga isdang kasama nila sa pond, at ng paiba-ibang kundisyon o kalagayan ng kapaligiran.
Ang nasabing hatchery ay isa sa makabagong teknolohiya na magsisilbing pasilidad para sa artipisyal na pagpapapisa ng mga itlog ng tilapia upang makamit ang angkop na dami at magandang kalidad ng mga fry at fingerlings. Ito ay makakatulong upang mapadali ang pagpapapisa ng mga itlog ng tilapia.
Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pangongolekta ng mga itlog mula sa bibig ng tilapia at paglilipat sa ‘hatching jar’ na nasa isang ‘controlled condition’. Kapag ang mga itlog ay napisa na, ang mga ‘fry’ ay direktang makakalangoy patungong ‘fry trough’. Sa ganitong pamamaraan, sa loob lamang ng tatlo hanggang limang araw, ay magkakaroon agad ng mga mapipisang itlog na nagiging ‘fry’.
Sa kasalukuyan ay mayroong anim na ‘fry trough’ at ‘hatching jar’ ang nasabing paitlugan ng tilapia. Kung ang bawat isa ay naglalaman ng 500 ml. na mga itlog na katumbas ng 100 itlog bawat 1 ml., maaaring makapag-pisa ng higit kumulang na 300,000 ‘fry’ sa loob lamang ng tatlo hanggang limang araw.
Minimithi ng BFAR 4A na magkaroon ng apat na beses na pagpapapisa ng itlog sa loob ng isang buwan. Ito ay tinatayang may kabuuang produksyon na 960,000 ‘fry’, kung ito ay magkakaroon ng 95% ‘hatching rate’ ng itlog at 80% ‘survival’ ng ‘fry’. Subalit ito ay nangangailangan ng maraming ‘breeders’ o inahing tilapia.