Sinimulan nang ipamigay ng Department of Social Welfare and Development Field Office Mimaropa ang pamamahagi ng P20 milyon halaga ng Livelihood Assistance Grant (LAG) ng Sustainable Livelihood Program o SLP sa 16 munisipyo ng lalawigan ng Romblon.
Unang nakatanggap ng LAG ang 80 benepisyaryo ng programa mula sa munisipalidad ng San Jose na nabigyan ng P15,000 karagdagang puhunan sa kanilang mga kabuhayan na naapektuhan ng pandemya.
Ito ay mula sa karagdagang pondo na ibinahagi ng Office of the President (OP) sa SLP upang makapagbigay-tulong sa mga benepisyaryong hindi napabilang sa FY 2021 targets ng programa.
Ang pamamahagi ay personal na dinaluhan nina Hon. Eleandro Jesus F. Madrona, Hon. Ronnie Samson at Hon. Egdon T. Sombilon ng San Jose, Romblon, Hon Ms. Sonia R. De Leon, SLP Regional Program Coordinator, at Ms. Ma. Christine B. Camata, Project Development Officer II, upang masiguro ang maayos na sistema ng pamamahagi ng tulong pinansyal pangkabuhayan.
“Ngayong araw 80 kayo na makatatanggap ng P15,000 kada pamilya, kami ni Governor Riano ay nagpapasalamat talaga kasi ito na yung last batch ngayon taon. Iikutin namin ang 16 na bayan ng Romblon sa pamamahagi ng LAG,” pahayag ni Congressman Eleandro Jesus F. Madrona bilang suporta sa layunin ng SLP na makapagbigay ng interbensyon sa mga nangangailangang mga resident ng San Jose, Romblon.
Katuwang ang lokal na pamahalaan ng San Jose, mahigpit na ipinapatupad ng SLP Mimaropa ang health and safety protocols sa pamamahagi ng LAG para maiwasan ang mga banta dulot ng COVID-19. Kabilang dito ang pagkakaroon ng social distancing, pagsusuot ng face mask at regular na disinfection.
Ang LAG ay isa sa mga recovery at rehabilitation programs ng pamahalaan na ang pangunahing layunin ay magsilbing tugon para sa mga pamilya na nanganganib mawalan o tuluyang nawalan ng pagkakakitaan dulot ng malawakang deklarasyon ng community quarantine sa bansa.
“Ang hamon ng DSWD SLP sa inyong mga 80 beneficiaries dito sa San Jose, Romblon, sa pamamagitan ng LAG na binigay ay masimulan ang inyong negosyo at kalauna’y mapalago ang PhP15,000 na ipinagkaloob ng gobyerno.” saad naman ni SLP Regional Program Coordinator, Ms. Sonia R. De Leon.