No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

CNT Patay, Ilang Armas Narekober sa Engkwentro sa Sorsogon

CAMP ELIAS ANGELES, San Jose, Pili, Camarines Sur – Patay ang isang miyembro ng Communist NPA Terrorist (CNT) habang ilang armas ng grupo ang narekober matapos na maka-engkwentro ang tropa ng mga sundalo’t pulis sa Barangay Olandia, Barcelona, Sorsogon, alas singko ng umaga, Hunyo 4, araw ng Sabado.

Ayon sa ulat mula sa 31st Infantry (CHARGE) Battalion, dahil sa sumbong ng mga tao sa lugar agad na nagsagawa ng security operation ang kanilang tropa kasama ang PNP nang maka-engkwentro ang nasa labing dalawang (12) miyembro ng CNT.

Ayon kay Lieutenant Colonel Marlon Mojica, Battalion Commander ng 31IB, tumagal ng labing limang minuto (15) ang palitan ng putok sa pagitan ng mga otoridad at komunistang grupo na nagresulta sa pagkamatay ng isang miyembro ng CNT na agad na iniwan ng kanyang mga kasamahan habang wala namang naitalang nasugatan sa bahagi ng tropa ng gobyerno.

Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang (2) M16 rifle na may kasamang isang M203 at iba pang mga mahahalagang kagamitan ng teroristang grupo.

Sa ngayon, mahigpit na seguridad ang ipinaiiral ni Brigadier General Aldwine Almase, Commander ng 903rd (PATRIOT) Brigade sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

"Sa tulong po ng tao sa komunidad mas mapapadali po ang ating pagtugis sa mga kalaban. Dahil dito, mas mahigpit na seguridad ang ating ipapatupad upang maibsan ang takot ng mamamayan sa mga teroristang grupong ito" ani BGen. Almase.

Inalerto naman ni Police Brigadier General Mario Reyes, Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 5, ang kapulisan kasunod ng nasabing pangyayari.

Samantala, pinapaalalahanan naman ni Major General Alex Luna, Commander ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB) at 9th Infantry (SPEAR) Division, Philippine Army ang mga kasamahan ng mga CNT na napasabak sa labanan na huwag nang mag-aksaya ng pagod at lakas, lalo na't malaki ang posibilidad na may iba pang nasugatan sa nangyaring engkwentro.

“Sa mga ganitong pagkakataon hindi lamang po ang kaligtasan ng aming tropa ang aming inaalala, gayundin itong mga terorista. Dahil kapag sila’y nasugatan hindi tulad ng mga sundalo na agad nating nadadala sa mga pagamutan upang agad na mabigyang lunas. Sila? Kailangan na itago, at kapag hindi agad magamot ay babawian lang din ng buhay, paano ang kanilang mga pamilya? Nakakalungkot na katotoohanan di po ba? Kaya patuloy po ang aming panawagan na magkaisa na lamang po tayo para sa katiwasayan ng ating komunidad,” ani MGen. Luna. (DPAO/MajJPBelleza)

About the Author

Ana-liza Macatangay

Assistant Regional Head

Region 5

Feedback / Comment

Get in touch