LUNGSOD NG PASAY -- Sinabi ni Senador Joel Villanueva na susi sa pamamayagpag ng mga lokal na produkto sa pambansa at pandaigdigang merkado ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) ng bansa, ngayong umaahon na ang ekonomiya mula sa pandemya.
Ito ang naging pahayag ng senador ngayong Made in the Philippines Product Week (August 17-23), at sinabi rin niya na ang pagtangkilik sa lokal na produkto ng MSMEs ay nakakalikha ng trabaho, nakakapagpasigla ng ekonomiya, at nagbibigay ng “hometown” at “national pride” para sa mga Pilipino.
“Halimbawa na lang ang sweets at delicacies sa Bulacan. May sense of pride tayong nararamdaman mula sa ganitong kasarap na produktong gawa ng iyong mga kababayan mula sa iyong kinalakihang bayan at naibabahagi sa buong bansa at sa buong mundo. Ipagmalaki natin ang sariling atin!” sabi ng senador.
Dahil dito, inihain ni Villanueva ang ang MSME Stimulus Act, o Senate Bill No. 138, na nagtatatag ng MSME Growth Stimulus Program upang tulungan, palakasin, at palaguin ang pag-unlad ng mga MSME para rin lumikha at magsiguro ng trabaho sa mga rehiyon. Sinabi ni Villanueva na tinutulungan ng panukalang batas na maging “resilient” at “disaster-proof” ang mga MSME, base sa mga karanasan sa pandemya at mga krisis sa ekonomiya.
“Marami sa ating mga MSME ang malubhang tinamaan ng pandemya, at ilan sa kanila ay nagsara at nagtanggal ng empleyado. Ngayong nagbubukas na muli ang ekonomiya, kailangan ng ating mga MSME ng “booster shot” na tulong mula sa gobyerno. Ito ay para mapanatiling dumadaloy ang lokal na mga produkto at serbisyo, at mapangalagaan ang trabaho ng mga empleyado ng mga MSME,” sabi niya.
Ayon sa panukalang batas, nagbibigay ng interest-free loan programs ang MSME Growth Stimulus Program sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines at ng Development Bank of the Philippines. Tinatatag rin nito ang MSME Stimulus Contingency Fund na maaring gamitin ng mga negosyo na apektado ng mga sakuna, public health emergencies, armadong tunggalian, at iba pang mga kaganapan gaya ng disruptions bunsod ng teknolohiya o polisiya.
Inaatasan rin ng S.B. 138 ang Department of Finance sa pamamagitan ng Social Security System na magbigay ng wage subsidies sa mga empleyado ng mga kwalipikadong MSMEs sa panahon ng kagipitan.
“The MSME Growth Stimulus Program shows how much we believe and take pride in our local enterprises and entrepreneurs as crucial components in our economic recovery,” sabi ni Villaneuva.
Ayon sa Department of Trade and Industry na noong 2020, 99.5% ng mga negosyo sa bansa ay mga MSMEs, at 62.66% ng kabuuang trabaho sa bansa ay mula sa kanila. (OSJV)