CALAPAN CITY, Oriental Mindoro (PIA) -- Patuloy ang pagsasagawa ng Local Chief Executive Briefing sa Puerto Princesa City ng mga kinatawan ng Department of Agriculture (DA)-Mimaropa ngayong linggo para sa usaping programa at proyektong makakatulong sa mga magsasaka at mangingisda sa nasabing probinsya.
Layunin din ng briefing na maging isang kumpas lamang ang takbo ng mga programang pang agrikultura sa pagitan ng kagawaran at ng mga lokal na pamahalaan. Ibinahagi din sa aktibidad kung ano ang mga dokumentong kakailanganin para makasalı at makakuha ng programa mula sa kagawaran ng pagsasaka.
Dinaluhan ito ni City Councilor Elgin Robert L. Damasco at City Administrator Atty. Arnel M. Pedrosa na siyang kinatawan ni Mayor Lucilo R. Bayron, City Agriculturist Melissa T.U. Macasaet, City Veterinarian Dra. Indira Santiago at Highly Urbanized City Agriculture and Fishery Council Representative Jefferson Santos.
Naglahad din si City Agriculturist Melissa Macasaet ng mga programa tulad ng community-based production to marketing of lowland vegetable through Barangay clustering and development services, Agri-business and marketing support na napapaloob sa KADIWA, organic agriculture in support to community and urban gardening, establishment and operations of agri-trading center at iba pang programa na pang agrikultura.
Nagbigay naman ng pasasalamat si City Councilor Elgin Robert L. Damasco. “Ang City of Puerto Princesa ay lubos na nagpapasalamat sa DA dahil sa ganitong aktibidad nalalaman namin ang mga programa pang-agrikultura na tiyak ako na makakatulong sa mga magsasaka.”
Pinangunahan ni OIC-Regional Executive Director Engr. Maria Christine Inting ang nasabing aktibidad kasama si Palawan OIC-Agricultural Program Coordinating Officer Engr. Victor Binasahan at ang mga provincial coordinator mula sa Rice Program, Corn Program, High-Value Crops Development Program, Livestock Program, Organic Program, Halal Food Industry Development Program, at Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4Ks). (DA-RFO MIMAROPA)