PUERTO PRINCESA, Palawan -- Namahagi ang Kagawaran ng Pagsasaka-MIMAROPA sa ilalim ng Enhanced Kadiwa Grant Program ng isang Hauling Truck with Chiller sa lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa City, Palawan at cash grant naman sa Project Zacchaeus Marketing Cooperative para sa kanilang Consolidation Facility and Equipment, Logistic Support, Consolidation Funds, Mobile App Development and Cold Storage Facility.
Ang natanggap ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa na hauling truck ay nagkakahalaga ng Php 2.3 milyon kung saan Php 1,840,000.00 ay galing sa Enhanced Kadiwa Fund at Php460,000.00 naman ay counterpart ng Puerto Princesa City. Samantala, limang (5) milyong pisong cash grant naman ang natanggap ng Project Zacchaeus Marketing Cooperative.
Ang Enhanced Kadiwa ay ang tugon ng Kagawaran ng Pagsasaka ng dineklara ang State of Emergency under Republic Act No. 11469 (Bayanihan Act of 2020) dahil sa pandemya. Hangarin ng Enhanced Kadiwa Program na makapagbigay tulong sa mga magsasaka at mangingisda at makapagbigay ng mura at ligtas na pagkain para sa bansa.
Higit sa 20 samahan ng mga magsasaka ng Puerto Princesa City ang makikinabang sa naibigay na hauling truck mula sa Kadiwa at higit 700 na magsasaka naman ang maaaring maserbisyohan ng ipapatayong pasilidad ng Project Zacchaeus.
“Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa tiwala na binigay ng DA sa aming pangarap. Maasahan po ninyo na ang lahat ng tulong na ibinigay niyo ay aming gagamitin upang mas pagandahin pa ang aming serbisyo at makatulong pa sa mga small scale farmers ng Palawan. Sa mga kagaya ko na nangangarap, patuloy lang kayong mangarap at makakahanap din kayo ng mga taong makakatulong sa inyo para abutin ito. Maraming salamat DA,” pasasalamat ni John Gastanes, General Manager ng Project Zacchaeus Marketing Cooperative.
Ginanap ang pamamahagi ng Hauling Truck with Chiller at ng Php 5milyon grant sa Agricultural Training Center ng Puerto Princesa City noong Oktubre 4, 2022. Ito ay pinangunahan ni AMAD Chief, Dr. Celso Olido at Market Development Section Head Ramon Policarpio. Nagsagawa naman muli ng turn-over ceremony ng Hauling Truck sa Mayor’s Office ng Puerto Princesa City at ito naman ay pinangunahan ni OIC RED Ma. Christine Inting at City Administrator Atty. Arnel Pedrosa. Ito ay kasabay ng ginanap na Local Chief Executive Meeting sa Puerto Princesa City. (DA-RFO IVB) (PR)