LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (DA-RFO IV-B) -- Nagpahayag ng taos pusong pasasalamat ang mga katutubong magsasaka na benepisyaryo ng Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) MIMAROPA dahil sa malaking naitulong anila ng programa sa pag-unlad ng kanilang mga kaalaman at pamamaraan sa pagsasaka.
Sa ginanap na pakikipagpulong ng mga kawani ng Climate Resilient Agriculture Office (CRAO) ng Department of Agriculture (DA) na sina Michael Barbosa, Project Development Officer III at Sofia Tabor, Project Assistant kasama ang buong grupo ng AMIA MIMAROPA sa pangunguna ni Regional Focal Person Randy Pernia kamakailan, ipinaabot ng mga katutubong magsasaka sa mga bayan ng Pola, Mansalay, at Bulalacao, Oriental Mindoro ang kanilang pasasalamat sa programa at ang kahilingan na maipagpatuloy ito upang mas marami pang mga katutubong magsasaka ang maturuan ng mga makabagong kaalaman sa pagsasaka.
Nakatuon ang AMIA project sa pagbibigay ng mga interbensiyon na makatutulong sa mga magsasaka upang magkaroon ng tuloy-tuloy na kabuhayan habang tinuturuan sila ng iba’t ibang pamamaraan sa pagharap at pamamahala ng mga climate risks gamit ang Climate Resilient Agriculture (CRA) approach. Pinangangasiwaan ang implementasyon nito sa MIMAROPA ng mga kawani ng Research Division ng DA MIMAROPA katuwang ang mga Municipal Agriculture Office (MAO).
Ayon kay Taddy Sagangsang, kasapi ng San Juan San Roque Livelihood Farmers Association (SJSRLFA) sa Bulalacao, malaking tulong ang mga kaalamang nakukuha nila dahil sa AMIA kaya naman lalo silang nagiging pursigido sa pagpapaunlad ng kanilang mga taniman.
“Sa turo ng AMIA ay unti-unting may pagbabago ang aming kabuhayan kaya dagdagan pa natin ang ating sipag at tiyaga. Ito ang makakatulong (sa atin), nandito ‘yong kaalaman, binibigay na sa atin lahat kaya sabi ko maganda ang nag-isip nitong AMIA. Ito talaga ang kailangan namin, malaking tulong sa lahat at kung puwede ay dagdagan pa dahil kulang ang dalawang (2) taon,” aniya.
“Malaking bagay ang AMIA, ito ay parang hamon sa atin at bigay ng Panginoon sa atin para mamulat ang kaisipan natin at lalo pang madagdagan ang “karabanan sa pangabuhi” (bayanihan sa kabuhayan) dahil tayo ay makakahingi (ng tulong). Ito ay malaking bagay sa atin na tayo ay natutulungan at maragdagan pa ang ating mga kaalaman,” saad naman ni Orpus Bat-ang, Pangulo ng Karabanan sa Pangabuhi Farmers Association sa Mansalay.
“Napakaraming dinala nila sa atin, napakarami nating natutunan. Karamihan ay nakakabenta na sa baba ng aming produktong gulay, binigyan pa kami ng mga kagamitan gaya ng water pump na malaking tulog kapag tag –init kaya malaking pasalamat talaga kami,” pahayag naman ni Marivic Ugduhan, kasapi rin ng SJSRLFA.
Samantala, maliban naman sa mga magandang naitulong ng AMIA project sa kanilang kabuhayan, ipinaabot rin ng mga katutubo ang kanilang mga kailangan pang tulong dahil isa sa layunin ng pagbisita ng CRAO sa mga benepisyaryo ng AMIA sa lalawigan ang mabatid mula mismo sa mga magsasaka ang mga pangangailangan pa nila at mailinya ang mga ito sa mga gagawing pagpaplano ukol sa higit pang pagpapaganda ng proyekto. Kabilang sa mga hiniling ng mga magsasaka ang mga kalabaw, makinaryang angkop sa sakahan sa kabundukan, ayuda sa transportasyon ng mga produkto, tulong sa patubig, karagdagang puhunan, at merkado o iyong mapagbebentahan pa nila ng kanilang mga ani.
Maliban sa SJSRLFA at Karabanan sa Pangabuhi FA, benepisyaryo na rin ng AMIA Project sa Oriental Mindoro ang Mangyan Tribong Tadyawan ng Misong Farmers Association, Samahang Masisipag ng Mangyan Tadyawan ng Sta. Rita, Samahang Mangyan Calatagan Tadyawan FA, at Nagkakaisang Samahan ng Mangyan Tadyawan Bakyaan FA, pawang matatagpuan sa bayan ng Pola. (DA-RFO IVB) (PR)