Itinanghal ang lalawigan ng Palawan bilang 'Most Desirable Island (Rest of World)' sa Wanderlust Travel Awards 2022 ng kilalang travel magazine at website (Wanderlust).
Nakamit ng lalawigan ang Gold Award batay sa online voting na nagtapos noong Oktubre 25, 2022 kung saan nanguna ang Palawan sa mga isla sa buong mundo na nominado sa naturang kategorya.
Tinukoy sa website na napili ng kanilang mga mambabasa ang Palawan hindi lamang dahil sa natatangi nitong likas na kagandahan sa Pilipinas kundi gayundin sa buong mundo.
“The scenery here is heaven on earth with sparkling waters and white sand beaches. One of the most photographed sites is Kayangan, a dazzling freshwater lake with spectacular rock formations above and below the surface," bahagi ng paglalarawan sa Palawan ng Wanderlust.
Samantala, nakamit naman ng Tobago ang Silver Award habang ang Viti Levu Island ang nakakuha ng Bronze Award. Ilan pa sa mga nominadong isla sa kategorya na nakapasok sa top ten ayon sa ranking ng mga ito ay ang Cuba, St. Helena, Rapa Nui/Easter Island, St Lucia, Zanzibar, Bali, at Tasmania.
Ang Wanderlust Travel Awards ay binubuo ng grupo ng mga pinakamahuhusay na travellers sa bansang UK na dalubhasa sa travel and tourism industry. Nagsasagawa ito ng mga katanungan sa kanilang mga mambabasa upang tukuyin at i-rate ang kanilang mga karanasan sa pagbiyahe sa mga nakalipas na taon na may kaugnayan sa iba’t ibang kategorya mula sa mga bansa hanggang sa mga tour company at iba pang may kaugnayan sa travel and tours. (PIO)
Photos above by Wanderlust