LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (DA-RFO IV-B) -- Isinagawa kamakailan ang Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program Summit sa lungsod ng Puerto Princesa sa Palawan. Layon nitong pag-usapan ang mga napagtagumpayang isyu at maaaring maging solusyon sa mga natukoy na problema na naungkat sa nakaraang ginanap na summit. Dagdag dito, ang aktibidad ay nagsilbi ring pagpaplano para sa implementasyon ng F2C2 sa taong 2023 at paghahanda sa National and Regional Cluster Summit.
Ang pagtitipon ay nilahukan ng mga piling kinatawan mula sa Rehiyon I - XIII, CAR at mga kinatawan ng ATI-RTC Central Office, CALABARZON, MIMAROPA, CAR, Region 6 at 11 na pinangunahan ni F2C2 Program Director Shandy Hubilla. Mainit naman tinanggap ang mga dumalo ng Rehiyon ng MIMAROPA sa pangunguna nina Regional Technical Director for Operations Elmer T. Ferry at Center Director ng ATI-RTC MIMAROPA Pat Andrew Barrientos.
Ayon kay Program Director Hubilla ang pangunahing layunin ng F2C2 Program ay paghahatid ng mga interbensiyon katulad ng Cluster Development Plans, market facilitation at linkage sa tulong Agribusiness and Marketing Services (AMAS)/ Agribusiness and Marketing Divsions (AMAD), capacity building, at support extension sa tulong naman ng Agricultural Training Institute at mga Regional Training Center.
Nabigyan diin sa pagtitipon na ito ang mga napagtagumpayang proyekto ng programa dahil sa pakikipagtulungan ng Banner programs, AMAD, ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.
Naging pagkakataon din ito para ibahagi ng Rehiyon ng MIMAROPA sa pangunguna ni AMAD Chief Dr. Celso Olido at F2C2 Report Officer Rustom Gonzaga ang potensyal na pamumuhunan nang KLT Fruits Inc., Project Zaccheous Marketing Cooperative at JM Slaughterhouse sa mga clustered farms sa rehiyon.
Pinakilala at pinagbahagi rin nila ang Buhay Producers Cooperative, isa sa F2C2 cluster sa probinsiya ng Palawan na pinangungunahan ng mga kabataang magsasaka at ang Community-based Production to Marketing of Vegetable thru Barangay Clustering and Development Services, na isang clustering approach ginawa ng Lokal na Pamahalaan ng Puerto Princesa City na nagsimula noong taong 2020, sa pamamagitan naman ito nina City Agriculturist Melissa Macasaet kasama sina Daisy Bundal, Agriculturist II at Jommel Quiamco, Agriculturist II.
Masayang binalita ni Dir. Shandy na dahil sa napakitang kahalagahan ng clustering at consolidation ay mapagkakalooban na ito ng pondo sa susunod na taon. Umaasa siya na mas maarami ang mapagtatagumpayan ng mga programa at mas mapapalakas ang mga cluster dahil maisasakatuparan na ang iba pang planong pagsasanay at aktibidad.
Samantala, hindi naman nagpahuli si bagong OIC-Regional Executive Director Engr. Ma. Christine Inting sa pagdalo sa pagtitipon at bigyan ng mainit na pagbati ang delegasyon mula sa iba’t ibang rehiyon. Kanyang binahagi ang tiwala sa programa at binigyan diin ang pagtingin sa value chain analysis na siyang tutuloy sa mga naaayon na mga interbensiyon upang mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda. (DA-RFO IVB, RAFIS) (PR)