Ang huli at pangatlong Boac Quadricentennial webinar ay sesentro at tutuon sa Kasaysayan at Kultura ng bayan ng Boac mula sa huling dalawang episode kasama ang mga mananaliksik, manggagawa sa sining at akademiko maging ng kabataan kagaya ni Bryan Viray, Beda Magturo, Patrick Henry Manguera, Randy Nobleza at Aine Magalang.
Ang iba pang mga tampok na gawain para sa Boac Quadricentennial ay ang mga sumusunod: Kick-Off Ceremony at paglulunsad ng Boac@400 Logo at Hymn noong Setyembre 2; unveiling ng Boac Quadricentennial Commemorative Stamp kasama ang PhilPost noong Oktubre 3; Boac@400 Web series day 1 kasama ang MSC at Polytechnic University of the Philippines (PUP) noong Oktubre 10 sa pamamagitan ng zoom at Boac Quadricentennial Web series day 2 muling kasama ang PUP at MSC noong Nobyembre 1.
Samantala pagkatapos ng Boac@400 Webinar episode 3 ay magkakaroon ng pag-iilaw ng Giant Christmas Tree may kasamang mini-concert kasama ang Boac Band Organization at MNHS; pagbubukas ng Boac Quadricentennial Trade Fair sa Marinduque Expo mula Disyembre 1; magkakaroon din ng Jam with Nature: Boac Quadricentennial Youth Music Festival sa Boac Moriones Arena sa Disyembre 2; Night of the Barangays on Quadricentennial Year sa Disyembre 4; I Love Boac Tiktok Vlogging Competition Awarding sa Disyembre 5; maramihang kasalan sa pagdiriwang ng ika-400 taong pagkakatatag ng Bayan ng Boac sa Disyembre 6; ang tampok na gawain sa Quadrisentenaryo ay ang Grand Float Parade sa Disyembre 7 mula sa MNHS Covered Court at ang finale ay ang Gawad Boakeño sa ika-apat na sentenaryo at Selebrasyon ng 400 na Daang Taon ng muling pagkakatatag ng Bayan ng Boac sa MSC Gymnasium ngayong Disyembre 8, pista ng patron ng bayan ng Boac, ang Birhen ng Immaculate Concepcion.
Ang pinakatema ng pagdiriwang ay “400 Taong Kasaysayan ng Boac: Sandigan at Inspirasyon ng Mamamayan, Tungo sa mas Maunlad na Bayan.” Katuwang ng Pamahalaang Bayan ng Boac ang Municipal Council for Local History, Culture and the Arts kasama ang MSC at PUP sampu ng mga ahensiyang panggobyerno maging mga civil society organization sa bayan ng Boac. (MSC)