Muling nagkaroon ng pangatlo at huling episode ang Boac@400 Webinar Series tungkol sa mga pamana at kasaysayan ng kabisera ng lalawigan ng Marinduque. Nagkaroon ng unang episode ang naturang Webinar Series noong Oktubre 10 bilang komemorasyon sa maramihang pagpatay sa mga bayani noong panahon ng Himagsikang Pilipino noong October 10, 1897 kasama ang panauhing nagtutuloy ng tradisyong ito maging sa pagbabago ng Boac Town Plaza at pagdiriwang ng Museums and Galleries month.
Pagkaraan nito ay nagkaroon ng kasunod na episode ng Boac@400 webinar series ng episode 2 noong Nobyembre 1 sa pagaalala ng kasunod na maramihang pagpatay sa mga lumaban para sa Kalayaan noong November 10, 1897. Sa pagkakataong ito, pinaunlakan ng kasapi ng Civicom-Kabalikat at mga arkitekto ng Marinduque National High School (MNHS) at Marinduque State College (MSC) upang pag-usapan ang ugnayan ng makasaysayang bahagi ng bayan ng Boac at kasalukuyang pagbabago nito.
Ang huli at pangatlong Boac Quadricentennial webinar ay sesentro at tumuon sa Kasaysayan at Kultura ng bayan ng Boac mula sa huling dalawang episode kasama ang mga mananaliksik, manggagawa sa sining at akademiko maging ng kabataan kagaya ni Bryan Viray, Beda Magturo, Patrick Henry Manguera, Randy Nobleza at Aine Magalang.
Dumalo ang kapwa pangulo ng Polytechnic University of the Philippines at MSC, si Engr. Bong Muhi at Dr. Dodie Zulueta. Nagpaunlak rin ang komisyoner ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at maging National Commission for Culture and the Arts (NCCA) si Dr. Manny Calairo. Gayundin nagbigay ng solidarity message ang public historian na si Prop. Xiao Chua sampu ng tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan ng PUP at College of Social Sciences and Development at panauhin sa Batangas State University. Nagbigay rin ng pahayag si Bokal Jojo Leva at tinapos ng Mayora ng Boac, Armi Carrion ang symposium sa pamamagitan ng pagtiyak na masusunod ang tunguhin ng pag-unlad at pagpapahalaga sa pamana.
Ang iba pang mga tampok na gawain para sa Boac Quadricentennial ay ang mga sumusunod: Kick-Off Ceremony at paglulunsad ng Boac@400 Logo at Hymn noong Setyembre 2; unveiling ng Boac Quadricentennial Commemorative Stamp kasama ang PhilPost noong Oktubre 3; Boac@400 Web series day 1 kasama ang MSC at PUP noong Oktubre 10 sa pamamagitan ng zoom at Boac Quadricentennial Web series day 2 muling kasama ang PUP at MSC noong Nobyembre 1.
Samantala pagkatapos ng Boac@400 Webinar episode 3 ay nagkaroon ng pag-iilaw ng Giant Christmas Tree may kasamang mini-concert kasama ang Boac Band Organization at MNHS; pagbubukas ng Boac Quadricentennial Trade Fair sa Marinduque Expo mula Disyembre 1; magkakaroon din ng Jam with Nature: Boac Quadricentennial Youth Music Festival sa Boac Moriones Arena sa Disyembre 2; Night of the Barangays on Quadricentennial Year sa Disyembre 4; I Love Boac Tiktok Vlogging Competition Awarding sa Disyembre 5; maramihang kasalan sa pagdiriwang ng ika-400 taong pagkakatatag ng Bayan ng Boac sa Disyembre 6; ang tampok na gawain sa Quadrisentenaryo ay ang Grand Float Parade sa Disyembre 7 mula sa MNHS Covered Court at ang finale ay ang Gawad Boakeño sa ika-apat na sentenaryo at Selebrasyon ng 400 na Daang Taon ng muling pagkakatatag ng Bayan ng Boac sa MSC Gymnasium ngayong Disyembre 8, pista ng patron ng bayan ng Boac, ang Birhen ng Immaculate Concepcion.
Ang pinakatema ng pagdiriwang ay “400 Taong Kasaysayan ng Boac: Sandigan at Inspirasyon ng Mamamayan, Tungo sa mas Maunlad na Bayan.” Katuwang ng Pamahalaang Bayan ng Boac ang Municipal Council for Local History, Culture and the Arts kasama ang MSC at PUP sampu ng mga ahensiyang panggobyerno maging mga civil society organization sa bayan ng Boac.
Sa huli, binigyan din ng pagpupugay ang dalawang haligi ng lokal na kasaysayan sa bayan ng Boac, sina Francisco “Lolo Kiko” Labay at Miguel “Myke” Magalang sa simulain at pagpapatuloy ng symposium sa Kasaysayan at Kultura unang idinaos nang wala pa ang pandemya kahit sa kasagsagan ng Covid-19 at sa mga darating pang panahon. (MSC)