Matagumpay na nailunsad ang Human Papilloma Virus (HPV) Immunization Program sa Oriental Mindoro matapos unang makatanggap ng vaccine ang nasa 185 na mag-aaral ng Adriatico Memorial School na edad 9-14 noong Nobyembre 22. Ang naturang vaccine ay mula sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Dr. Ria Nerissa Navera, tagapagsalita at kinatawan ng Fellow, Philippine Obstetrical and Gynecology Society (FPOGS), ang HPV ay isa sa pinaka pangkaraniwang viral infection sa mga babae at lalaki na nakakahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Aniya pa, ang HPV vaccine ay ang isa sa pangunahin at mabisang panlaban sa cervical cancer at iba pang mga sakit na dulot ng HPV.
Ang bakunang ito rin ay ideyal na inirerekomendang ibakuna sa mga edad 9-14 sapagkat ang ganitong mga edad ng kabataan ay mayroong malakas na resistensya ng katawan na mayroong magandang pagtanggap sa bakuna. Higit naman itong epektibo kapag naibigay sa mga wala pang exposure sa HPV infections. Tinataya namang 7,250 ang target na mabakunahan ng HPV vaccine sa buong lalawigan.
Nagpahayag naman ng lubos na pagpapasalamat si Provincial Health Office-OIC Dr. Cielo Angela Ante sa Department of Health, DepEd Calapan City Division, Oriental Mindoro Medical Society, City Government of Calapan at Municipal Health Officers. Bukas din aniya ang Provincial Government of Oriental Mindoro sa mga nais mag-donate ng mga gamot at bakuna lalo na ngayon at mayroon ng kapasidad ang ating lalawigan na mag-imbak ng mga bakuna at gamot gamit ang Cold Room Storage.
Samantala, sa pamamagitan ni 2nd District Sangguniang Panlalawigan Board Member at Chairperson ng Committee on Health, Atty. Jom Dimapilis, ipinaabot niya ang pasasalamat nina Governor Bonz Dolor at Vice-Governor Ejay Falcon sa mga konsernadong ahensya at samahan sa likod ng pagsusulong ng programang ito. (PIO ORIENTAL MINDORO)
Topmost photo from PIO Oriental Mindoro