LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro -- Dalawang daan (200) na mga magsasaka ng mais at balinghoy sa Oriental Mindoro ang nakatanggap na rin ng fertilizer discount voucher na nagkakahalaga ng Php2,000.00 bawat isa na pinamahagi ng Corn and Cassava Program ng Department of Agriculture MIMAROPA.
Umaabot sa Php400,000 ang kabuuang halaga ng fertilizer discount vouchers na naipamigay sa lalawigan mula sa Php6-M alokasyon para sa buong rehiyon. Naglalayon ito na makatulong na mabawasan ang gastos nila pagtatanim ng mga nasabing produkto sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga inputs lalo na ng mga abono. Magagamit nila ang mga nasabing voucher sa pagbili ng abono sa mga accredited na tindahan ng agricultural supplies sa kani-kanilang lugar.
Ito ang kauna-unahang pamimigay ng ayuda na fertilizer discount voucher kaya naman labis ang pasasalamat ng mga magsasaka sa natanggap na ayuda. Naging katuwang sa pamamahagi ang City at mga Municipal Agriculture Office (MAO).
“Salamat po sa biyayang natanggap namin, makakatulong po ito sa amin at sana ay magpatuloy pa,” saad ni Bayani C. Cruz ng Brgy. Cambunang, Bulalacao.
Ilan sa mga nagtatanim ng mais at balinghoy sa bayan ng Bulalacao na nakatanggap ng fertilizer discount voucher na nagkakahalaga ng Php2,000.00
Nauna nang nakatanggap ng nasabing ayuda ang mga magsasaka ng mais at balinghoy sa ibang probinsya ng rehiyon. Sa kabuuan, umaabot sa 3,000 mga nagtatanim ng mais at balinghoy sa buong MIMAROPA ang nakinabang sa programa. Sila ay rehistrado sa Registry Sytem for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) sa ilalim ng corn and cassava commodities at lehitimong mga nagtatanim ng mais at balinghoy. (DA-RFO IVB)