LUNGSOD NG NAGA, Camarines Sur (PIA) -- Isasagawa ng Samahan ng mga Guro sa Intelektuwalisasyon ng Filipino (SAGIF) ang Pandaigdigang Webinar-Worksyap sa Araling Panlipunan sa Pebrero 25 hanggang 26 sa pamamagitan ng birtuwal na platform. Ang tema ngayong taon ay “Pagpopook ng Kasaysayan sa Hamon ng Teknolohiya at Globalisasyon.”
Kabilang sa mga tagapagsalita ang mga sumusunod na propesor at mananaliksik ng Ateneo De Manila, University of Santo Tomas, University of the Philippines, Philippine Normal University at De La Salle University: Dr. Antonio Contreras, Dr. Voltaire Villanueva, Dr. Joel Malabanan, Dr. Vicente Villan, Dr. Randy T. Nobleza, Dr. Melanie Turingan, Prof. Javier Leonardo Vitug Rugeria, Pro. Ambeth Ocampo, Dr. Vasil Victoria at Sir Francis Hassel Pedido.
Batay sa DepEd National Capital Region Advisory No. 189 s. 2022, ilan sa mga layunin ang matukoy at masugpo ang mga misinpormasyon, miskonsepsiyon at distorsiyon kaugnay ng kasaysayan ng bansa. Maaaring lumahok ang mga guro at/o edukador sa antas ng elementarya hanggang Senior High School na nagtuturo ng Agham Panlipunan.
Ayon sa SAGIF, “ang seminar ang kailangan para sa ERF teacher 1-7 hanggang iba pang ranggo. Tadtad ng bigatin at de-kalibreng ispiker, internasyunal ang antas, tatlong araw, kailangan sa equivalents record form requirement, may CPD points, memo mula sa DepEd (national, regional at division) mahusay na komite, matinding pasabog.” Tuwing Buwan ng Pebrero ipinagdiriwang ang Pambansang Buwan ng Sining, ngayong taon ay may temang “Ani ng Sining, Bunga ng Galing” sa bisa ng Presidential Proclamation No. 683 ang pagdedeklara ng Pebrero bilang buwan ng Pambansang Sining. (Randy T. Nobleza, Ph.D., Associate Professor I, Institute of Arts and Social Sciences, Marinduque State College-PIA5/Camarines Sur)