No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Dalawang lider ng Teroristang CPP-NPA-NDF na nadakip sa Mansalay, binigyan ng atensyong medikal ng mga kasundaluhan

BULALACAO, Oriental Mindoro (PIA) --  Ilang oras lamang makalipas ang hindi makataong pagpaslang ng teroristang grupong CPP-NPA-NDF sa isang sundalong katutubong Mangyan na si Private Mayuay Unaw sa Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro, nadakip naman ng mga sundalo ng 4th Infantry (Scorpion) Battalion (4IB) ang dalawang lider ng teroristang grupong CPP-NPA-NDF sa Barangay Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro kamakailan.

Ang dalawang lider ng teroristang grupo ay kinilala bilang sina Mary Joyce Lizada alyas "Luoise" na may katungkulan bilang Regional Staff ng Southern Tagalog Regional Party Commitee at si Arnulfo Aumentado alyas "Aryo"  na siya namang Komiteng Tagapagpaganap ng SRMA-4D, Pangalawang Kalihim ng KLG MAV at P4/GP o Logistics and Finance/Giyang Pampulitika ng Platun Serna sa Isla ng Mindoro. Kabilang sa mga nakuha ng mga sundalo sa dalawang terorista ay ang isang Uzi sub-machine gun assault rifle, isang carbine rifle, isang improvised explosive device, mobile cellphones, tablet, magazine at mga bala, iba’t ibang mga gamot kabilang na ang mga contraceptive pills at mga dokumentong subersibo.

Nagtangka pang dumampot ng kaniyang baril si Luoise nang abutan sila ng mga sundalo samantalang nagtangkang tumakas si Aryo sa pamamagitan ng pag-tiger jump sa masukal at mabatong bahagi ng gubat.

Dahil dito ay nauntog ang ulo ni Aryo na naging sanhi ng kaniyang mga natamong sugat sa mata at pagkabali ng kaniyang kanang kamay.

Sa kabila ng hindi makataong pagpaslang nila sa katutubong sundalong Mangyan na si Private Mayuay Unaw, hindi naman nagdalawang isip ang mga sundalo ng 4IB na bigyan ng agarang pang-unang lunas o first aid ang teroristang si Aryo.

Pagbaba nila mula sa bundok ay inasikaso rin ito ng mga taga-rural health unit ng Mansalay sa pamamagitan ng pag-asikaso sa kaniyang bali at pagtahi sa kaniyang pumutok na kilay.

Upang mas mabigyan pa ng atensyong medikal, isinugod din agad ng mga sundalo si Arnulfo Aumentado at si Mary Joyce Lizada sa Army Station Hospital sa Tanay, Rizal, kung saan sila ay inasikaso naman ng mga sundalong nars at doktor ng pagamutan.

Ang isinagawang operasyon ay bunga ng pagresponde ng mga sundalo sa sumbong ng mga residente at katutubo na may mga armadong grupong umaaligid sa kanilang lugar.

Upang hindi na maalarma ang mga residente ay agad na rumesponde ang mga sundalo upang kumpirmahin ang sumbong ng mga ito.

Ang makataong aksyong ito ng mga kasundaluhan ng 4IB ay nagpapakita lamang na pinapahalagahan ng mga kawani ng pamahalaan ang buhay at karapatang pantao ng bawat mamamayan kahit pa sila ay mga terorista. Ito ay nagpapakita rin ng tapat na adhikain ng Philippine Army na magkaroon ng tunay na kapayapaan at kaunlaran sa isla ng Mindoro. (Press Release from 4IB/PIA MIMAROPA)

About the Author

Gene Ace Sapit

Regional Editor

Region 4B

Ace is the Regional Editor and Social Media Manager of PIA MIMAROPA.

Feedback / Comment

Get in touch