LUNGSOD NG CALAPAN -- Tinanggap ng Narra Vegetable Growers Association ng Gloria, Oriental Mindoro ang 413 bags na naglalaman ng organic fertilizer at 400 bags naman ang natanggap ng Makapili Vegetable Farmers Association ng Pinamalayan, Oriental Mindoro mula sa Department of Agriculture-MIMAROPA.
Ang kabuuang tinanggap ng dalawang asosasyon ay nagkakahalaga ng Php793,490.00 mula sa regular program ng High-Value Crops Development Program (HVCDP).
Layunin ng pamamahaging ito na mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka sa pagbili ng mga pataba.
“Nagpapasalamat ako sa ating High-Value Crops Development Program (HVCDP) sa pagkakaloob sa amin ng mga organic fertilizers na makakatulong sa amin lalo na sa aming pagbubukid, sa aming pagpapasibol ng punla at mababawasan ang aming gastos sa abono sa aming pagtatanim. Ako ay nagpapasalamat na dahil binigyan kami ng 400 sacks para sa aming asosasyon,” pasasalamat ni Melvin Lolong, Presidente ng Makapili Vegetable Farmers Association.
Isa rin sa benepisyo ng paggamit ng organikong pataba ay ang magandang pagtubo ng mga gulay at paglayo ng mga insekto sa mga ito.
“Malaking bagay po yung organic fertilizers na ibinigay sa amin gawa na yung lupa ay nakundisyon saka ang halaman ay hindi masyadong iniinsekto. Kailangan po talaga namin ng ganung organic na pataba para sa aming mga mag-gugulay,” pahayag ni Nolito Nappa, miyembro ng Narra Vegetable Growers Association.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga nakatanggap sa DA-MIMAROPA sa patuloy na pagtugon sa kanilang pangangailangan.
“Nagpapasalamat po ako sa DA at kami ay natutugunan sa aming mga pangangailangan kagaya ng organic fertilizer at yung iba pa pong naibinigay. Salamat po at hindi kayo nakakalimot sa aming asosasyon. Sobrang nagpapasalamat po kami dahil natutugunan po ang mga hiling po namin," ani ni G. Nappa.
“Kami ay nagpapasalamat dahil kami ay patuloy na nabibigyan ng opportunity na mapabilang at patuloy na mabiyayaan ng DA," ayon naman kay G. Lolong.
Pinangunahan ang pamamahagi ng DA-MIMAROPA HVCDP na kinatawan ni Arjay Burgos at Municipal Agriculturist ng Gloria, Augusto Mantaring. Kasama rin sa pamamahagi si Sharmaine Cruzado mula sa Provincial Agriculture Office, mga agricultural technicians at mga miyembro ng dalawang samahan. (PR/DA MIMAROPA)