Torrijos, Marinduque – Noong Miyerkules, Hunyo 7, 2023, nasa 810 mga benepisyaryo sa ilalim ng programang Tulong Panghanap Buhay Para sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) mula sa 25 barangay ng Torrijos ang tumanggap ng kanilang sahod sa isinagawang TUPAD Salary Distribution sa Poblacion Municipal Covered Court, Brgy. Poblacion.
Katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque ang Department of Labor and Employment (DOLE) – Panlalawigang Tanggapan ng Marinduque, Tanggapan ni Congressman Lord Allan Jay Velasco at ang Livelihood Manpower and Development – Public Employment Service Office (LMD-PESO) Marinduque sa nasabing gawain.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P3,550 bilang kabuuang sahod sa 10 araw na pagtatrabaho. Kabilang sa mga nakatanggap ay mula sa hanay ng mga magsasaka, mangingisda, tsuper, matatanda, at may kapansanan.
Matatandaang ang mga benepisyaryong ito ay dumalo ng oryentasyon at pumirma ng kontrata noong Mayo 9, 10, at 11 bago magsimula ang kanilang trabaho.
Pinangasiwaan ni Provincial PESO Manager Alma Timtiman at TUPAD Focal Person Ken Aldrin Jalac ang nasabing gawain. Dumalo at nagbigay suporta rin ang mga pangunahing namumuno ng lalawigan katulad nina Congressman Velasco, Provincial Administrator Mike Velasco bilang kinatawan ni Governor Presbitero Velasco, at Vice Governor Adeline Angeles.
Kabilang sa mga nagpaabot ng pasasalamat sa natanggap na sahod si Alberto Quarteros, 49, mula sa Barangay Maranlig na 20 taon ng may kapansanan sa paa.
“Malaking katulungan sa akin ito dahil nabigyan ako ng tulong pinansyal para makabili ako ng pagkain at gamot. Ibibili ko rin ‘yung iba ng pagkain ng baboy ko dahil buntis ang baboy ko, para rin pambili ng ulam, pagkain, at bigas,” pahayag ni Quarteros.