LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Pinangunahan nina Department of Agriculture (DA) Mimaropa Regional Executive Director Engr. Maria Christine C. Inting at Regional Livestock Program Focal Person Dr. Maria Teresa O. Altayo ang turn-over ng proyektong Livestock Economic Enterprise and Development Program for Goat sa Lagaw para sa Uma Integrated Farm ng Palawan State University Muti-Purpose Cooperative (PSU-MPC). Ang turnover activity ay ginanap sa Lagaw sa Uma Integrated Farm na matatagpuan sa Barangay Magbabadil, Aborlan, Palawan kamakailan.
Ayon kay Dr. Altayo, ito ang kauna-unahang malaking proyektong iginawad bilang grant sa kooperatiba sa buong rehiyon ng Mimaropa. Sa kabuuan, ang goat house at 36 goat stocks ay nagkakahalaga ng 2.5 milyong piso.
Sinabi nya “Ito ay bilang pagtugon sa mandato ng pamahalaan na palakasin ang kooperatiba. Para sa sustainability ng proyektong ito, alinsunod sa mga patakaraan na gagawin ng samahan ay magkakaroon ng redistribution o pag transfer ng anak na guya sa mga ka-miyembro ng asosasyon at sa paglipas ng panahon sa komunidad naman ang pamamahagi. Para sa kasiguruhan ng proyekto, mahalaga na maiparehistro sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang mga kambing.”
Pormal na iginawad ni Inting ang proyekto sa Palawan State University Multi-Purppose Cooperative sa pamamagitan ng kanilang Chairperson Dr. Erlinda Ganapin. Inaasahan na sa pamamagitan ng proyektong ito ay maisakatuparan ang pagpupursigi ng Pangulo at Kalihim ng DA na hindi lamang sa pagmamaisan o sa pagpapalayan kundi pati sa livestock ay mapataas ang produksyon upang magkaroon ng mataas na ani at kita ang mga magsasaka.
Ayon pa kay Inting “ang proyektong ito ay isa sa mga hakbangin para matugunan ang suliranin sa logistics o pagtransport ng livestock sa rehiyon. Kaya kailangan na sa bawa't probinsya ay may ma-empower o mapalakas na kooperatiba para sa mga ganitong proyekto. Darating ang panahon na sa inyo na kami bibili ng kambing para maipamahagi sa ibang kooperatiba sa buong probinsya ng Palawan. Kaya patuloy ang aming koordinasyon sa Lokal na Pamahalaan at Lalawigan ng Palawan upang matugunan ang inyong pangangailangang pang-agrikultura sa abot ng aming kakayayahan.”
Malugod namang tinanggap ng PSU-MPC na kinatawan ni Dr. Erlinda Ganapin ang proyekto at kaakibat na responsibilidad sa pangangasiwa nito. Taos puso nyang pinasalamatan ang lahat ng mga naging bahagi at tumulong tulad ng Lokal na Pamahalaan ng Aborlan, ang Barangy Council ng Magbabadil at ang komunidad nito para maisakatuparan ang proyekto. Higit na pinasalamatan ng PSU-MPC ang DA sa pagbibigay ng proyektong ito. (DA)
Topmost photo from Department of Agriculture Mimaropa