No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Makabuluhang Hakbang Tungo sa Pagpapalakas ng Edukasyon at Pangangalaga sa Kalusugan

IPIL, Zamboanga Sibugay, Agosto 14 (PIA) - Sa isang makabuluhang hakbang na layuning mapabuti ang edukasyon sa pangangalaga sa kalusugan, kamakailan lamang ay nagkaroon ng isang Memorandum of Agreement (MOA) ang lalawigan ng Zamboanga Sibugay kasama ang Mindanao State University (MSU) para sa pagbubukas ng MSU-School of Nursing- Ipil Extension.

Ang pamahalaang lokal ng lalawigan ay nanatiling tapat sa kanilang kampanya na mapabuti ang edukasyon at pangangalaga sa kalusugan ng mga Sibugaynon sa pamamagitan ng pagbubukas ng paaralan para sa kursong nursing, na magbubunga ng malawakang benepisyo para sa maraming Sibugaynon.

Photo: Governor Ann K. Hofer FB Page

Ang pagsusumikap ng lalawigan sa adhikain na ito ay napatibay sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Mindanao State University (MSU) at ang mga kinatawan nito.

“Ang institusyong ito ay hindi lamang magbibigay ng matibay na pundasyong pang-akademiko para sa mga Sibugaynon kundi magsisilbi ring launchpad para sa mga karerang nakatuon sa pagpapagaling, pagdamay at paglilingkod”, sabi ni Dr. Ann Hofer, Gobernador ng Zamboanga Sibugay.


Nagpahayag din ang Gobernadora ng kanyang pasasalamat, “Sa ngalan ng mga Sibugaynon, maraming salamat at sabay nating aabangan ang pagbubukas ng mga klase para sa unang batch ng mga mag-aaral ng nursing sa Ipil campus ngayong school year 2023-2024”.

Inaasahan na magbubukas ang MSU-Buug School of Nursing Ipil campus ngayong Setyembre para sa taong akademiko 2023-2024. Ang mga nagnanais na mag-aral at magtapos ng kursong nursing ay maaaring mag-aplay online.

Photo: Governor Ann K. Hofer FB Page

“Limampung mag-aaral ang aming tatanggapin sa pagbubukas ngayong Setyembre. Ang gusali mismo ay handa na, bagamat patuloy pa kaming nagtatrabaho sa pag-aayos nito at paglalagay ng mga kinakailangang kagamitan tulad ng mga upuan, mga mesa, mga pisara, at iba pa”, pahayag ng Provincial Administrator na si Atty. Jay Millena.

Dagdag pa ni Atty. Millena, “Dahil sa ang tatanggapin pa lamang namin ay ang mga mag-aaral na nasa unang taon, hindi pa kailangan sa ngayon ng isang laboratoryo o iba pang kagamitan maliban sa mga pangkaraniwang pangangailangan sa silid-aralan”

Ang inisyatibang ito ay nagpapahiwatig ng isang mahalagang hakbang tungo sa pagtugon sa pangangailangan ng mahusay na pagsasanay ng mga propesyonal sa pangangalaga sa kalusugan sa rehiyon. Inaasahan na ito ay hindi lamang magbibigay ng dekalidad na edukasyon kundi pati na rin makatulong sa pangkalahatang kalusugan ng komunidad.

Photo: Governor Ann K. Hofer FB Page

Ang pagbubukas ng MSU-School of Nursing- Ipil Extension ay nagpapakita ng isang kahanga-hangang halimbawa ng epektibong kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan at akademikong institusyon. Habang inihahanda ang paaralan para sa pagtanggap sa mga bagong mag-aaral, inaasahan ng lalawigan ang mas magandang kinabukasan para sa sektor ng pangangalaga sa kalusugan, na pinamumunuan ng mga mahuhusay at may kakayahan sa larangan ng nursing. (NBE/RBI-PIA9-Zamboanga Sibugay)

About the Author

Rommel Ignacio

Writer

Region 9

Information Officer - I at Provincial Information Center Zamboanga Sibugay

Feedback / Comment

Get in touch