SABLAYAN, Occidental Mindoro -- Dalawang magkasunod na ground breaking ceremony ang isinagawa ng Department of Agriculture (DA) Mimaropa kasama ang mga Lokal na Pamahalaan sa Occidental Mindoro bilang hudyat ng pagsisismula ng pagpapatayo ng onion cold storage facility sa mga bayan ng Rizal at Sablayan noong Agosto 1.
Isinagawa ang groundbreaking ceremony ng nabanggit na pasilidad sa Brgy. Salvacion, Rizal. Ito ay may kapasidad ng 20,000 onion bags at may kabuuang halaga na P40 million mula sa DA Mimaropa na kung saan ang pondo ay mula sa High-Value Crops Development Program (HVCDP) at ipinagkaloob sa Salvacion United Farmers Multi-Purpose Cooperative (SUFMPC) mula sa Rizal.
Layunin ng proyekto na matulungan ang mga magsasaka ng sibuyas na maiimbak ng maayos ang kanilang ani at mapanatili ang kalidad nito habang hindi pa naibebenta o nailalabas sa merkado.
“Ngayon ay sigurado nang itatayo dito ang ating cold storage, hindi na tayo mabubulukan ng sibuyas at maibebenta na natin sa tamang presyo ang mga ito,” pahayag ni Mayor Ernesto C. Pablo, Sr.
Pinaalalahanan naman ang mga miyembro ng SUFMPC na tangkilin at ingatan ang ipapatayong Cold Storage Facility para mas maraming magsasaka ng sibuyas ang makinabang.
“Ang pangarap naming mga magsasaka na magkaroon ng ganitong kalaking proyekto ay natupad na. Maisasakatuparan na at makakatulong sa maraming nagtatanim ng sibuyas dito po sa aming bayan. Ito po ay aming iingatan sa mga miyembro po ng ating Kooperatiba ay dapat po ay tangkilikin natin itong cold storage upang mapanatili itong maayos,” ani Bristan A. Montales, Chairperson ng SUFMPC.
Inaasahan din na lalo pang tatatag ang samahan ng kooperatiba dahil sa binigay na ito ng DA.
“Kaya po ito ay napunta sa inyo dahil nakita rin na maganda ang pamamahala ng kooperatiba at napakalaki na po ng inyong kooperatiba. Ang aking hiling sa inyo, sana po ito ang magbuklod sa inyo at lalong palakasin ang samahan ng bawat isa. Ito ay isang pakita lang na bigyan natin ng prayoridad yung ibang miyembro na walang kakayahan magbiyahe ng sibuyas sa ibang lugar. Sana ang maging mithiin ng kooperatiba ay walang maiwan na miyembro at sama-sama kayong aangat,” panawagan ni OPA OIC-Provincial Agriculturist Alrizza Zubiri.
Samantala, ginanap ang kaparehong aktibidad sa Paetan, Sablayan, kung saan ay itatayo rin ang isang cold storage facility na nagkakahalaga rin ng P40 million at may kapasidad rin na 20,000 bags ng sibuyas na ipagkakaloob sa Samahang Gumagawa Tungong Tagumpay Multi-Purpose Cooperative (SAGUTT MPC).
Ayon kay Municipal Administrator Norman Nubio, ang pagpapatayo ng facility ay bunga ng Value Chain Analysis (VCA). Itatayo ang cold storage upang ma-imbak ang kalidad ng mga naaning sibuyas at maitaas ang kita ng magtatanim nito.
“Ang SAGUTT MPC po ay patuloy na nag-aaral para lahat ng commitment namin sa gobyerno ay aming magawa at para sa lahat ng pangarap ng miyembro at ng kooperatiba ay makamit po namin. Sana po hindi lang ang kooperatiba ang yumaman pati po ang mga miyembro. Kaya po ang aming kooperatiba ay patuloy na nangangarap hindi lamang po sa aming sarili kundi para po sa komunidad ng Sablayan at buong Occidental Mindoro,” sambit ni Livelyn F. Castillo, chairperson ng SAGUTT MPC.
Hinihikayat din ni Regional Executive Director Inting ang mga magsasaka na mas lalo pang pagbutihin ang pagtatanim ng sibuyas upang dumating ang araw ay makapag-export sa ibang bansa.
“Kung ang mga Kooperatiba ay may pangarap, kami rin po sa rehiyon ay may pangarap din. Sa ngayon ay ginagawan na namin ng paraan na makapag-export tayo ng sibuyas sa ibang bansa. Gaya ng bagong mandato ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may titulong Masaganang Agrikultura! Maunlad na Ekonomiya!
Ang proyekto ay bahagi ng programa ng DA sa pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos para mas mapagtibay ang food security ng bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na suplay at sapat presyo ng pagkain. (DA)