No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Adhikaing labanan ang 'fake news' isinulong sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Pamamahayag

LUNGSOD QUEZON, (PIA) — Isinulong nitong Miyerkules ng National Press Club (NPC) ang masidhing adhikaing labanan ang pagkalat ng maling impormasyon gaya ng "fake newssa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Pamamahayag at ika-173 paggunita ng kaarawan ni Gat Marcelo H. Del Pilar.

Kasabay din ng okasyon, ang pagsinaya sa publiko ng busto ng Ama ng Pamamahayag ng Pilipinas sa bakuran ng NPC sa Lungsod Maynila.

Sa pangunguna ng NPC, nagtipon-tipon ang mga miyembro ng media at ilang mga opisyal sa pamahalaan upang saksihan ang nasabing kaganapan. 

Si Del Pilar ay kilala sa pen name na “Plaridel” na kinilala bilang isa sa mga dakilang propagandista na lumaban para sa kalayaan ng Pilipinas laban sa Kastila sa pamamagitan ng pagsusulat.

Sa talumpati ni Director-General Joe Torres, Jr. ng Philippine Information Agency, isa sa mga panauhing pandangal ng naturang okasyon, binanggit nito na ang pagpaparangal na ito kay Del Pilar ay tanda ng pagpapahalaga sa malayang pamamahayag na humubog sa Pilipinas. 

Ang pagtitipong ito ay isang pagpapakita ng ating lubos na pagpapahalaga sa kanyang mga kontribusyon sa kasaysayan ng ating bansa. Ito rin ay paglalarawan ng kanyang malikhaing paglaban sa tinatamasa nating kalayaan sa pamamahayag ngayon gayundin ang pagkamit ng bawat mamamayan ng karapatang malaman ang katotohanan,” ayon kay DG Torres.

Sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Pamamahayag sa bisa ng Batas Republika 11699 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril 13, 2022, binanggit ni DG Torres na isa itong pagkakataon upang bigyang-pugay ang mahahalagang papel ng mga mamamahayag sa ating lipunan. Binigyang diin niya na dapat ay puspusang labanan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon. 

Sa mundo ngayon kung saan ang teknolohiya ay patuloy na nagbabago at ang impormasyon ay kumakalat nang mabilis, mahalaga na tayo'y maging mapanuri sa mga balita na ating natatanggap, nababasa, at naririnig,” sinabi ni DG Torres. 

Sinabi pa ng opisyal na malaki ang papel na ginagampanan ng media, maging ng mga government communicator sa pagpapalaganap ng tama, napapanahon, at makabuluhang impormasyon sa buong bansa. Binigyang-diin din niya ang tungkulin ng mga kawani ng pamahalaan na maging katuwang ng mga mamamahayag sa pagsusulong ng malayang pamamahayag na may layuning magdulot ng kabatiran at pag-unlad sa bansa. 

Masayang nakibahagi sa pagdiriwang sina Philippine Information Agency Director-General Joe Torres, Jr. (kanan) at PIA Deputy Director-General Ares Gutierrez sa bagong pasinayang busto ni Marcelo H. Del Pilar sa bakuran ng National Press Club sa Maynila sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Pamamayahag, Agosto 30, 2023. (Kuha ni Alaine Allanigue/PIA-NCR)

About the Author

Alaine Allanigue

Writer

NCR

Feedback / Comment

Get in touch