Tinanghal na grand winner ang Provincial Government of Oriental Mindoro sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office sa kategoryang Best Program for Culture in the Arts - Province Category sa katatapos lamang na Association of Tourism Officers of the Philippines - Department of Tourism o ATOP-DOT Pearl Awards sa The Tent, Boracay Island nitong ika 5 ng Oktubre.
Napili ang Oriental Mindoro Heritage Museum at Oriental Mindoro Heritage and Cultural Center sa mahigit 300 entries sa iba’t ibang kategorya ngayong taon. Ang OMHM at OMHCC ay ang mga pangunahing proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Humerlito A. Dolor para sa pangangalaga ng mayamang kultura, tradisyon at sining ng lalawigan.
Samantala, nakamit din ng Oriental Mindoro ang pagiging isa sa 5 provincial finalists para sa kategoryang Best Tourism-Oriented LGU dahil na rin sa maraming inisyatibang pangturismo na isinasagawa sa lalawigan.
Ayon kay Dr. Dhon Stepherson Calda, Provincial Tourism Officer, ito ang kauna-unahang pagsali ng Oriental Mindoro sa ATOP DOT Pearl Awards at isang karangalan sa lalawigan lalo na sa Panlalawigang Tanggapan ng Turismo ang makatanggap ng nasabing parangal. Dagdag pa niya, tanging Oriental Mindoro ang lalawigan sa rehiyong Mimaropa na nakatanggap ng mga parangal sa patimpalak sa taong ito. (PTO-OrMin)